Marbil sa mga pulis: ‘Apelyido natin ang PNP’

MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang lahat ng mga police personnel na panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng integridad at pananagutan sa kanilang serbisyo para sa bayan.
Ayon kay Marbil, nagsisilbing pangalan ng bawat pulis ang PNP kung kaya’t dapat na iniingatan at hindi binabahiran ng anumang kontrobersiya.
“When we entered the service, our last name became our first name — and our last name is the Philippine National Police,” ani Marbil.
Hindi lamang sa iisang pulis lumalatay ang batikos kundi sa buong organisasyon.
Binigyang-diin ng Chief PNP na kahit isang maling kilos ng isang pulis ay maaaring makasira sa reputasyon ng buong hanay at makapagpahina ng tiwala ng publiko.
Hinimok niya ang lahat ng miyembro ng PNP na pangalagaan ang dangal ng kanilang uniporme at aktibong i-guide ang kanilang mga kasamahan bago pa lumala ang mga pagkakamali.
Ang mensahe ni Marbil ay kasunod ng pagkaka-relieve sa Eastern Police District (EPD) Director at buong District Special Operations Unit (DSOU) matapos ang alegasyon ng extortion at misconduct sa pag-aresto ng dalawang Chinese nationals sa Las Piñas City.
- Latest