Bam kinilala sa libreng kolehiyo
MANILA, Philippines — Inindorso ni Senador JV Ejercito ang kandidatura ng nagtatangkang magbalik Senado na si dating Senador Bam Aquino na iginiit niyang isa sa pinakamasipag at may dedikasyon sa tungkulin.
Sa isang video message ni Ejercito sa kaniyang social media page, sinabi niya na ang mga katangian ni Aquino ang dahilan kung bakit maraming batas siyang naipasa na nagresulta sa maraming batas na pinakikinabangan ng maraming Pilipino, kabilang na ang batas ng libreng kolehiyo.
“Dahil sa sipag niya ngayon, libre na ang kolehiyo sa Pilipinas,” ani Ejercito, na nakatrabaho si Aquino sa Senado mula 2013 hanggang 2019 at tumayo rin bilang co-author ng batas ng libreng kolehiyo at Sangguniang Kabataan Reform Law.
Napakahalaga umano ng isinusulong na mga batas ni Aquino na nakatuon sa pagpapalawak pa sa libreng kolehiyo para sa mga kabataan at siguradong trabaho sa oras na sila ay magtapos.
Una nang inindorso nina Senate President Francis “Chiz” Escudero at Sen. Win Gatchalian ang kandidatura ni Aquino bilang senador sa Mayo. Nakuha rin ni Aquino ang suporta ni Dr. Willie Ong.
- Latest