Abalos: Protocol vs ‘Big One’ suriin
MANILA, Philippines — Nanawagan si senatorial candidate Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. na muling suriin ang umiiral na protocol ng pamahalaan sa pagtugon sa “Big One” sa Metro Manila habang ipinapahayag niya ang pakikiisa sa mga mamamayan ng Myanmar at Thailand matapos ang magnitude 7.7 lindol na tumama sa dalawang bansa.
Ayon kay Abalos, dapat paghandaan ng pamahalaang Pilipino ang kinakailangang tulong na maaaring hilingin ng Myanmar at Thailand mula sa kanilang mga kapitbahay sa ASEAN at sa pandaigdigang komunidad.
Sinabi ni Abalos na ang epekto ng lindol ay isang wake-up call para sa mga awtoridad ng gobyerno upang muling suriin at i-update ang umiiral na protocol para sa “Big One,” isang malakas na lindol na maaaring tumama sa Metro Manila anumang oras.
Si Abalos, na dating nagsilbing chairperson ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ay nagsabing may mga umiiral nang paghahanda para sa “Big One,” ngunit dapat itong regular na i-update upang mas maraming buhay ang mailigtas.
Bukod sa regular na pagsasagawa ng earthquake drills, binigyang-diin ni Abalos ang pangangailangang palawakin ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa mga dapat gawin pagkatapos ng isang malakas na lindol, hindi lamang para sa mga residente ng Metro Manila kundi pati na rin sa lahat ng ahensya ng gobyerno.
- Latest