Bong Revilla inalmahan fake news vs Pinoy Muslims
MANILA, Philippines — Nagbabala si Senator Ramon Bong Revilla, Jr. sa publiko sa mga naglipanang fake news kasunod ng tahasang pagtuligsa sa mga malisyosong mapanlinlang na balita sa Facebook na idinadawit siya sa nakakasakit na pahayag patungkol sa mga Pilipinong Muslim.
Ang naturang post na noon pang 2019 elections at napatunayan nang peke ay muling lumulutang at nalamang nagmula sa isang troll na ginagamit ng mga political operators.
Sinabi ni Bong Revilla, tinaguriang Sultan Aadil o Prince of Justice ng Sultanate ng Rajah Buayan IV sa Mindanao, na ang mga parehong operators ang gumagamit muli ng parehong kasinungalingan para linlangin ang mga Muslim lalo na ngayong Holy Month of Ramadan.
“Ang mga nasa likod nito ang tunay na kalaban ng mga kapatid nating Muslim. They are attempting to deceive our brothers and sisters lalo pa sa banal na panahong ito ng Ramadan,” sabi ng mambabatas.
“Alam naman ng ating mga kapatid na Muslim na kasinungalingan ang nilalaman ng pekeng post na ‘yan. Kilala nila ako na lagi nilang kaisa at kasama. We have been through a lot together, at patuloy tayong magiging magkasama sa hinaharap,” pagtitiyak ng solon.
“Ito ay isang desperado at maruming paraan upang sirain ang pangalan ko at pag-awayin ang ating mga kababayan,” sabi pa nito.
Ipinagdiinan ni Revilla, kilala sa pagsusulong ng pagkakaisa at pagkakapantay-pantay, na malapit sa puso niya ang mga Muslim, na itinuturing niyang mga kapatid.
Sa haba ng kanyang pagsisilbi sa Senado, makailang ulit siyang sumuporta sa mga polisiya at mga inisyatiba para iangat ang Muslim community at mapabuti ang kanilang katayuan.
Nanawagan si Revilla sa publiko na maging mapagmasid sa paglaganap ng fake news at nananawagan din sa mga otoridad na papanagutin ang mga nagpapakalat ng mga maling impormasyon.
“Hindi ako kailanman magiging bahagi ng anumang hakbang na magpapababa sa dangal nino man. Ang paninindigan ko ay malinaw – pagkakaisa, paggalang at pagtutulungan ng lahat ng Pilipino,” panapos ni Revilla.
- Latest