Walang krisis sa tubig buong 2025 – MWSS

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na walang magaganap na kakapusan sa suplay ng tubig para sa buong taong 2025 kahit na nagsisimula nang pumasok ang hot dry season.
Ayon kay MWSS Acting Deputy Administrator Patrick James Dizon, tuwing summer season mula buwan ng Marso hanggang Mayo ay tumataas ng 10%-15% ang paggamit ng tubig ng mga tao upang maalis ang epekto sa kanila ng maalinsangang panahon.
“Pero mga nakaraang buwan, dahil may mga shearline at Amihan, nakapag-ipon ng tubig sa mga dam. Naabot natin target elevation sa mga water reservoirs sa end ng 2024, para ‘di tayo magka-water shortage… ‘di lang this summer pero hanggang katapusan ng 2025, eh ‘di natin nakikita ang water shortage,” ayon kay Dizon.
Tiniyak din ni Dizon na walang magaganap na pagtaas sa singil sa tubig bagama’t tataas ang demand sa suplay ngayong tag-init.
Hinikayat din nito ang mamamayan na gamitin ng wasto ang suplay ng tubig lalo na sa panahon ng summer na walang mga pag-ulan.
- Latest