Pondo sa walang trabaho palawigin - Rep. Tulfo
MANILA, Philippines — Dapat palawigin pa ang pondo na ipinamimigay ng pamahalaan sa mga walang hanapbuhay o trabaho sa bansa.
Ito ang ipapanukala ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Hunyo.
Ayon kay Cong. Tulfo, may ipinamimigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na P15,000 kapital sa bawat pamilya na mula sa mahirap na komunidad, na walang kinikita para magkaroon ng hanapbuhay.”
“Pero kailangan muna nilang sumailalim sa training sa pagnenegosyo para hindi naman masayang ang kapital at tunay na makatulong sa kanila,” ani Tulfo na tumatakbong senador.
Ang tinutukoy ni Tulfo ay ang Sustainable Livelihood Program o SLP ng ahensya para sa mga mahihirap na walang pinagkakakitaan sa isang komunidad.
Ang naturang programa ay bahagi ng poverty alleviation program ng DSWD sa pangunguna ni Sec. Rex Gatchalian alinsunod sa kagustuhan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Magsusulong tayo ng batas na hindi lang dapat available sa mga mahihirap na komunidad ang SLP kundi sa lahat ng qualified na walang hanapbuhay, ay dapat mabigyan ng puhunan,” ani ng kinatawan ng ACT-CIS Partylist.
- Latest