DOH sec. pinasisibak sa zero budget ng PhilHealth
MANILA, Philippines — Umapela si Health advocate Doctor Tony Leachon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sibakin sa pwesto si Health Secretary Ted Herbosa at ang liderato ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ang panawagan ni Leachon ay matapos bigyan ng zero budget ng Kongreso ang PhilHealth sa ilalim ng Pambansang pondo sa 2025.
Sinabi pa niya, bakit ang milyun-milyong Filipino ang dapat parusahan sa palpak at mahinang liderato ng PhilHealth, gayung si Herbosa aniya na tumatayong chairman of the board at President & CEO ng PhilHealth ang dapat sibakin ni Marcos dahil sa hindi pagpapalawig ng mga benefit packages.
Iginiit pa ni Leachon na hindi dapat sisihin ng Kongreso ang PhilHealth dahil sa kapalpakan nito kaya binigyan ng zero budget para sa 2025.
Sa halip ay dapat ginamit ng Kongreso ang kanilang oversight effort para sa implementasyon ng Universal Health Care (UHC) law.
Sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program (NEP) na pinanukala ng Executive Department P74.431 bilyon ang inilaan sa PhilHealth para sa susunod na taon.
Subalit ayon kay Sen. Grace Poe, chairman ng committee on accounts, ang naturang pondo para sa PhilHealth ay inilagay sa ibang sektor na mas higit na nangangailangan.
Nauna nang sinabi ni Senate President Chiz Escudero na dahil sa kapalpakan ng nasabing ahensiya kaya binigyan ito ng zero budget dahil sa ilalim ng UHC law may mandato ang PhilHealth na “No Balance Billing” subalit hindi ito naipatupad.
- Latest