Duterte ginamit ‘Davao style’ sa war on drugs — Garma
MANILA, Philippines — Tuluyan nang idinawit ni ret. P/Col. Royina Garma si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa extra judicial killings (EJKs) na ginamit din umano ang Davao model sa nationwide scale ng madugong giyera kontra droga.
Sa kaniyang affidavit na binasa sa pagdinig ng Quad Committee nitong Biyernes ng gabi, lumuluhang sinabi ni Garma na noong Mayo 2016 ay ipinatawag siya ng noo’y pangulong Duterte at sinabi sa kaniyang kailangan nito ng mga mapagkakatiwalaang PNP official na may kakayahang ipatupad ang war on drugs sa national level na katulad sa Davao.
Ang “Davao model” ayon kay Garma ay tumutukoy sa sistemang pagbabayad at reward sa bawat mapapatay na mga drug personalities.
May tatlo itong payment levels, una ay cash reward kung napatay ang drug suspect; ikalawa ay ang pagpondo sa planadong operasyon o COPLANS at ikatlo, ang refund sa mga ginastos sa operasyon nito.
Ayon kay Garma, aabot sa P20,000 hanggang P1-M ang ibinabayad sa mga pulis sa matatagumpay na operasyon kapag napapatay ang mga drug personalities bagaman hindi aniya siya pamilyar sa bracketing o magkano na depende sa antas ng mga target.
Tinukoy ni Garma ang nagbitiw na si National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Edilberto Leonardo sa nagpatupad ng Davao model.
“These are the critical facts I personally know regarding the drug war of the previous administration. I am prepared to provide additional details and information in a supplemental affidavit during the Executive Session, at the discretion of the Committee,” saad pa ni Garma.
Sa panig naman ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, sinabi nito na may nakuha siyang impormasyon na sa reward system kapag ang napatay ay isang pusher o nasa tinatawag na level 1 ay P50,000 ang reward;P100,000 sa big time drug pusher; P300,000 hanggang P500,000 sa narco cops o pulitiko habang P1-M sa mga negosyante, manufacturers, chemists o financier.
- Latest