Kasal ng KOJC members, pinepeke
Para maging US citizen
MANILA, Philippines — Umamin ang human resources manager ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ni Pastor Apollo Quiboloy na si Marissa Duenas na nagsagawa sila ng ‘kasal-kasalan’ sa California.
Naghain ng guilty plea sa kasong conspiracy upang linlangin ang US si Duenas kapalit ng mas mababang sintensiya.
Pumayag din ang US Attorney’s Office na ibasura ang iba pang kaso na nagsasangkot kay Duenas. Ang plea agreement ay nilagdaan noong Lunes sa US ni Duenas, at ng kanyang abogado na si John Littrell.
Batay sa 16-pahinang dokumento, hinikayat ni Duenas ang iba pa na makipagkasundo upang gumawa ng pekeng kasalan sa Amerika.
Sa ilalim ng kasunduan, hangad na mapanatili ang katayuan sa imigrasyon ng US ng mga miyembro ng KOJC sa pamamagitan ng pag-aayos ng “sham marriages” sa iba pang miyembro ng KOJC na mga mamamayan ng US.
Si Duenas ay kapwa akusado ni Maria De Leon, na sinasabing nagproseso ng mga pekeng dokumento para sa mga miyembro ng simbahan.
Si Quiboloy ay wanted ng Federal Bureau of Investigation “para sa kanyang diumano’y pakikilahok sa isang labor trafficking scheme na nagdala ng mga miyembro ng simbahan sa Estados Unidos, sa pamamagitan ng pekeng mga visa, at pinilit ang mga miyembro na humingi ng mga donasyon para sa isang huwad na kawanggawa, mga donasyon na ginamit upang tustusan ang mga operasyon ng simbahan at ang marangyang pamumuhay ng mga pinuno nito”.
Subalit itinanggi naman ni Quiboloy ang mga paratang laban sa kanya.
- Latest