16 BIFF sumurender sa Maguindanao del Sur
MANILA, Philippines — Labing-anim na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang sumurender sa tropa ng militar bitbit ang kanilang mga armas sa lalawigan ng Maguindanao del Sur kamakalawa.
Sa report ni Major Gen. Antonio Nafarrete, Commander ng Joint Task Force Central, ang mga sumukong BIFF sa Army’s 33 rd Infantry Battalion (IB) na pinamumunuan ni Lt. Col. Udgie Villan ay mula sa Karialan Faction.
Ayon sa opisyal , bitbit ang kanilang mga armas ay sumurender ang naturang grupo ng BIFF sa himpilan ng Army’s 33rd IB sa Brgy. Zapakan, Radjah Buayan, Maguindanao del Sur.
Ang mga nagsisukong BIFF ay pinamumunuan ni alyas Oding, pinuno ng Morsedin Division ng BIFF sa ilalim ng grupo ni Umbra Kato. Si Alyas Oding ay tumatayo ring adviser ng BIFF.
Ayon sa militar, nahati sa dalawang paksiyon ang BIFF matapos na mamatay si Umbra Kato kung saan sumapi si Oding sa Karialan faction hanggang sa mainomina bilang Brigade Commander ng 2nd Division sa ilalim ng pamumuno ni Zulkarnain Sapal alyas Zuk.
Isinurender din ng mga BIFF members ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng dalawang 60 MM mortar, dalawang 40 MM Rocket Propelled Grenades, dalawang 40 MM M203 grenade launchers, isang cal 30 carbine rifle at dalawang improvised explosive devices na may limang rounds ng 40 MM Rocket Propelled Grenade high explosives.
Iprinisinta ang mga sumurender kina Col. Ricky Bunayog, Deputy Brigade Commander of the 601st Infantry Brigade; Ms. Sittie Janine Gamao, Peace Program Officer V, ng BARMM; Jofre Guerero, Gen Service Officer ng munisipalidad ng Shariff Saydona Mustapha at iba pang mga lokal na opisyal sa lalawigan.
- Latest