P19 milyon smuggled vape products, nakumpiska ng BOC sa Manila, Laguna warehouses
MANILA, Philippines — Umaabot sa P19.075 milyong halaga ng hinihinalang vape products ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa operasyong ikinasa sa magkahiwalay na bodega sa Maynila at Laguna, nabatid kahapon.
Ang mga naturang items ay nakumpiska matapos na ipatupad ng mga ahente ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) ng BOC, sa pakikipag-koordinasyon sa Enforcement and Security Service (ESS) at Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes, ang dalawang Letters of Authority (LOA) na inisyu ni BOC Commissioner Bien Rubio.
Sinabi naman ni CIIS Director Verne Enciso na nadiskubre ng grupo ang tinatayang aabot sa P6.475 milyong halaga ng vape devices, vape pods, at disposable vapes, gaya ng brands na Relx at Top Fog, sa isang bodega sa Quiapo, Manila.
Nakadiskubre rin sila ng humigit-kumulang sa P75 milyong halaga ng smuggled motorcycle parts at accessories.
Samantala, sa isang shop naman sa San Pedro City, Laguna, nakakumpiska ang BOC ng P12.6 milyong halaga ng smuggled disposable vapes na may iba’t ibang brand, gaya ng Flava, King’s Evo, Grio, at Milan.
Habang hinihintay ang imbentaryo ng mga goods na isasagawa ng itinalagang Customs examiners at sasaksihan ng mga kinatawan mula sa CIIS, ESS, at ng bodega at shop, pansamantala munang ipinadlak ng BOC team ang dalawang lokasyon.
Pinuri naman ni Intelligence Group Deputy Commissioner Juvymax Uy ang mabilis na aksiyon ng BOC team.
Ang mga may-ari ng bodega at shop ay mahaharap sa mga kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.
- Latest