Romualdez: Libong mangingisda na apektado ng oil spill tutulungan
MANILA, Philippines — Kaagad na pinakilos ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kanyang mga kapwa mambabatas upang tulungan ang libu-libong mangingisda sa apat na lalawigan na naapektuhan nang pagtagas ng langis.
“Hindi na natin hihintayin na humingi sila ng tulong sa atin. Tayo na ang lumapit sa kanila para alamin kung ano ang tulong na kailangan nila sa atin at sa gobyerno,” aniya.
“The livelihood of our fisherfolk is at stake. We must act quickly to mitigate the damage and provide the necessary support,” pahayag pa ni Romualdez.
Hinikayat din niya ang kanyang mga kasamahan mula sa Bataan, Pampanga, Bulacan, at Cavite na makipag-ugnayan sa mga apektadong mangingisda upang tukuyin ang mga tulong na kanilang kinakailangan.
“We will tap all available resources, including the TUPAD and AICS programs, to provide immediate relief and support to our fisherfolk,” pagtiyak pa ni Romualdez.
Hiniling din niya sa mga mambabatas sa mga apektadong lugar na i-assess, sa tulong ng mga local government units, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Philippine Coast Guard at iba pang concerned agencies, ang pinsalang dulot ng oil spill, gayundin ang lawak nito.
Matatandaang tumagas ang industrial fuel at diesel mula sa dalawang barko na lumubog sa Bataan at sa Manila Bay area noong nakaraang linggo.
Ang isa sa mga barko, na MT Terranova, ay may kargang 1.4 milyong litro ng industrial oil.
Ang mga mangingisda na apektado ng oil spill ay mula sa Bulacan, Bataan, Pampanga at Cavite.
- Latest