4 buwang fishing ban sa South China Sea, West Philippine Sea ipinatupad ng China
MANILA, Philippines — Pinagbabawal ng China ang apat na buwang fishing ban sa South China Sea at bahagi ng West Philippine Sea na pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino.
Ito ang ibinunyag ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung saan nagsimula ang pagbabawal nitong Mayo at inaasahang magtatapos sa Setyembre 16.
Nabatid na may inilabas na pinakabagong moratorium ang pangingisda ng China na sumasakop sa mga lugar ng South China Sea 12 degrees ng north latitude.
Sa isang pahayag, sinabi ng ahensya na ang hakbang ng Beijing ay nagpapataas lamang ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China dahil ito ay “unilateral” at salungat sa pagkakaunawaan nina Pangulong Marcos at Chinese President Xi Jinping sa kanilang bilateral talk noong nakaraang taon.
Kasunod ang aksiyon ng China sa patuloy na panggigipit nito sa mga tropang Pilipino at mangingisda sa West Philippines Sea, na kinabibilangan ng pagsasagawa ng mga mapanganib na maniobra, pagpapaputok ng maraming beses na water cannon sa resupply at humanitarian mission.
Nanawagan naman ang Pilipinas sa China na huminto sa pagsasagawa ng mga iligal na aksyon na lumalabag sa soberanya, karapatan, at hurisdiksyon ng Pilipinas sa mga maritime zone nito.
- Latest