Marcos nagbigay ng higit P100 milyon sa magsasaka
Tulong sa Mindanao itinodo
MANILA, Philippines — Sa pagpapatuloy ng malawakang programang tulong para sa mga Pilipinong tinamaan ng El Niño partikular sa mga magsasaka at mangingisda sa Mindanao, personal na naghatid si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng mahigit P100 milyon na tulong pinansyal sa pamahalaang lungsod ng Cagayan de Oro at mga pamahalaang panlalawigan ng Camiguin, Misamis Oriental at Bukidnon.
Ibinigay ni Pangulong Marcos ang tig-P10 milyon kay Cagayan de Oro City Mayor Rolando Uy at Camiguin Governor Xavier Jesus Romualdo; at P50 milyon bawat isa kay Misamis Oriental Governor Peter M. Unabia at Bukidnon Governor Rogelio Neil Roque.
Naghatid din ang Chief Executive ng mahigit P10,000 na cash assistance bawat isa sa mga piling magsasaka at mangingisda.
“Maliit na halaga, ngunit umaasa akong magagamit ninyo ito upang makapagsimula muli,” sabi ni Pangulong Marcos sa kanyang talumpati sa pamamahagi ng tulong sa Pimentel Convention Center sa Barangay Taguanao, Cagayan de Oro City.
Namahagi rin si House Speaker Martin Romualdez ng limang kilong bigas sa bawat isa sa mga dumalo.
Bukod sa tulong pinansyal, inorganisa rin ng pamunuan ni Pangulong Marcos ang “Bagong Pilipinas Serbisyo Fair” sa University of Science and Technology-Southern Philippines” sa pamamagitan ng DSWD at DTI.
Lumahok din sa caravan ang TESDA, DOLE, DOH at iba pang ahensya ng gobyerno.
“Sa abot ng aming makakaya, gagawin ng lahat upang matiyak na ang suporta at tulong ay agad na maipaparating sa bawat apektadong pamilya, magsasaka, at mangingisda,” pahayag ni President Marcos.
Tiniyak ng Pangulo sa mga residente ang patuloy na suporta at tulong ng gobyerno sa gitna ng mga hamon na dala ng El Niño.
- Latest