^

Bansa

Marcos-US diplomat meeting iprinotesta dahil sa 'papatinding pangingialam'

James Relativo - Philstar.com
Marcos-US diplomat meeting iprinotesta dahil sa 'papatinding pangingialam'
Litrato ng isang kilos-protesta sa Mendiola, Maynila ngayong ika-19 ng Marso, 2024
Released/Kilusang Mayo Uno

MANILA, Philippines — Nagprotesta ang ilang progresibo sa Mendiola bilang pagkundena sa napipintong pulong nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US Secretary of State Antony Blinken.

Inaasahang mag-uusap ang dalawang panig ngayong Martes para "paigtingin ang seguridad" at economic ties ng mga bansa sa gitna ng agresyon ng Beijing — bagay na maaari raw magamit para palakihin ang US military presence at intervention sa bansa, ayon sa mga militante.

"Marcos is treasonously advancing the geopolitical interest of the US in the region by shamelessly offering the Philippines as an extension of the US military network," ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ngayong araw.

"The country’s assertion of sovereignty in the West Philippine Sea against China’s aggression should not involve the opportunistic meddling of a former colonizer whose real motive is to preserve and expand its imperialist hegemony in the Asia-Pacific."

 

 

Ang pagbisita ni Blinken sa Maynila ang ikalawa simula nang manungkulan si Marcos noong Hunyo 2022. Bahagi ito ng saglit niyang pag-ikot sa Asya kabilang ang South Korea.

Una nang sinabi ng Amerikang pagpopokusan nito ang patuloy na "desabilizing actions" sa South China Sea, bagay na pagkontra sa international law.

Ang West Philippine Sea, na nasa loob ng naturang katubigan, ay patuloy na inaagaw ng Beijing kahit saklaw ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Una nang binalewala ng Permanent Court of Arbitration ang nine-dash line claim dito ng Tsina.

Ilang beses nang sinabi ng Estados Unidos na mapipipilitan itong depensahan ang Maynila sa pamamagitan ng 1951 US-Philippines defense treaty kung sakaling magkaroon ng armadong pag-atake sa mga barko, eroplano, at kasundaluhan sa lugar.

"We never learn from history. Those who posed as friends end up becoming ruthless invaders and colonizers," patuloy ng BAYAN, habang ibinibigay na ehemplo ang opensiba at okupasyon ng Israel sa Palestine ngayon.

"Today, our so-called main ally is actively fanning proxy wars and conflicts in various parts of the world."

Sumakto sa Cha-Cha?

Kahalintulad naman ang pananaw ng Kilusang Mayo Uno sa pagbisitang ito ni Blinken habang idinidiing "hindi siya welcome" sa Pilipinas.

Inaasahan din nilang mangangahulugan ito ng mas matinding pagpapatupad ng hindi pantay na mga polisiyang pang-ekonomiya.

Ang pagdating ni Blinken ay mangyayari ilang araw matapos pangunahan ni US Secretary of Commerce Gina Raimondo ang Presidential Trade and Investment Mission in the Philippines, bagay na nagdulot ng US$1 bilyong pamumuhunan sa semiconductor factories ng Pilipinas.

"Pagsasamantalahan ng mga malalaking kapitalista ang binabarat na lakas-paggawa ng mga Pilipino para mag-produce ng semiconductor at computer chips," paliwanag ni KMU secretary general Jerome Adonis.

"Sosolusyunan ng US ang dalawa nitong malalaking problema – una, pagkawala sa pag-asa sa China para sa semiconductors na bumubuhay sa kanyang tech industry, at pangalawa, kakatasin ang buhay at paggawa ng Pilipino para magkamal ng mas malaking supertubo."

Nangyayari rin ito habang niraratsada sa Kongreso ang Resolution of Both Houses No. 7 (RBH 7), bagay na pumasa na sa ikalawang pagdinig ng Kamara kamakailan.

Layon ng RBH 7 na amyendahan ang ilang economic provisions ng 1987 Constitution para payagan ang 100% pamumuhunan at pagmamay-ari ng dayuhan sa ilang sektor.

"Isinuko na ng administrasyong Marcos ang kontrol ng Pilipinas sa imperyalistang US. Hindi papalag ang gobyerno ng Pilipinas kapag itinaas ng dayuhang korporasyon ang presyo ng batayang bilihin at serbisyo tulad ng langis, kuryente, tubig, pagkain, gamot, at matrikula, habang pinapanatiling barat ang sahod at kontraktwal ang mga manggagawa," dagdag ni Adonis.

"Ang komon na interes ni Marcos at ng US ay ang alipinin ang manggagawa at mamamayang Pilipino para masolo nila ang malaking tubo."

Nananawagan ngayon ang grupo sa mga kababayang tutulan ang mga hakbang na maglalagay sa mga Pilipino sa alanganin at pagsusuko ng mga industriya sa dayuhan.

ANTONY BLINKEN

BAGONG ALYANSANG MAKABAYAN

BONGBONG MARCOS

FOREIGN POLICY

KILUSANG MAYO UNO

UNITED STATES

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with