Kaso ng TB tumataas, DOH nabahala
MANILA, Philipapines — Nabahala ang Department of Health (DOH) sa tumataas na mga kaso ng tuberculosis (TB) sa bansa na umabot sa 612,534 noong nakaraang taon.
Iniulat ni DOH Sec. Ted Herbosa na noong 2023, nakapagtala ang Pilipinas ng 549 kaso ng TB kada 100,000 populasyon, mas mataas sa case notification rate na 439 kaso kada 100,000 populasyon noong 2022.
“For a period of five years, we’ve actually identified about 2.1 million cases—short of our target of 2.5 million. As of December 31, 2023, our new cases numbered 612,534,” ayon pa sa kalihim.
Base sa datos ng Integrated Tuberculosis Information System, nasa 10,426 katao na may TB ang iniulat na namatay.
Ngunit paglilinaw ni Herbosa, hindi lahat ng mga ito ay nasawi dahil sa naturang infectious disease.
Samantala, kinilala rin ng kalihim na ang TB ay hindi lamang isang isyung pangkalusugan ng bansa.
Aniya, isa rin itong socioeconomic problem dahil naaapektuhan nito ang mas maraming marginalized populations sa mga low-resource settings.
Kaugnay nito, sinabi ng health chief na nais nilang tuluyan nang matuldukan ang pamiminsala ng TB sa bansa, pagsapit ng taong 2030.
Ang pangangailangan na mapigilan ang sakit sa sandaling maging available na ang mga bakuna sa taong 2028 o di kaya ay mabigyan ng lunas ang lahat ng mga kaanak ng mga pasyente na na-exposed sa karamdaman.
Ilan sa karaniwang sintomas ng TB ay matagal na ubo, pananakit ng dibdib, pagkapagal, lagnat at pagbaba ng timbang.
- Latest