Economic Cha-cha inaprubahan ng Kamara
MANILA, Philippines — Aprubado na ng House Committee of the Whole ang Resolutions of Both Houses No. 7 (RBH 7), na naglalayong amyendahan ang economic provision sa 1987 Constitution.
Sa pamamagitan ng voice vote ng House plenary, inaprubahan ang mosyon ni Deputy Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales III para tapusin na ang deliberasyon at ipasa ang RBH No. 7.
Sa ilalim ng RBH 7 ang phrase na “unless otherwise provided by law” ay isisingit sa Articles XII, XIV, at XVI ng Konstitusyon upang mapayagan ang Kongreso na siyang gumawa ng pagbabago sa mga limitasyong nakatakda para sa foreign ownership sa sektor ng public utility, edukasyon at advertising.
Inaprubahan ng Kamara ang RBH 7 matapos ang anim na araw na deliberasyon kung saan pinakinggan ang mga testimonya ng mga eksperto at mga resource persons na kinabibilangan ng mga gabinete ng administrasyon, dating mga mambabatas, academics, Filipino educators, mga professionals na nakabase sa ibang bansa, mga dating Supreme Court justices, ekonomista at maging mga framers ng 1987 Konstitusyon.
Target namang maaprubahan sa ikalawang pagbasa ang RBH 7 sa Miyerkules ng susunod na linggo.
Ang RBH No. 7 ay kahalintulad ng RBH No. 6 na isinusulong sa Senado.
- Latest