'Gawa-gawa': Beijing itinangging nilason ng cyanide ang West Philippine Sea
MANILA, Philippines — Bumwelta ang Ministry of Foreign Affairs ng Beijing at kanilang embahada matapos paratangan ng gobyerno ng Pilipinas sa paggamit ng mapanganib na lason sa Bajo de Masinloc (kilala rin bilang Panatag o Scarborough Shoal).
Sabado nang ibulgar ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) spokesperson Nazario Briguera ang "sadyang pagsira" ng mga mangingisdang Tsino sa Bajo de Masinloc para pigilan ang pagpasok dito ng Filipino fishermen. Aniya, cyanide ang gamit ng mga dayuhan.
"Gawa-gawa lang ang paratang na ito. Tsina ang may hindi maitatangging soberanya sa Huangyan Dao at mga kalapit nitong Tubig," ani Chinese Foreign Affairs spokesperson Mao Ning sa isang pahayag sa Inggles nitong Lunes.
"Pinapahalagahan ng gobyerno ng Tsina ang pagtatangol sa kalikasan at pangangalaga sa pinagkukunan ng isda at lumalaban sa anumang uri ng pangingisdang labag sa batas at regulasyon."
— ChineseEmbassyManila (@Chinaembmanila) February 19, 2024
Sinasabi ito ng Mao Ning kahit na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc. Ang naturang katubigan ay sakop ng West Philippine Sea.
Taong 2016 pa nang ibalewala ng Permanent Court of Arbitration ang pag-angkin ng Beijing sa West Philippine Sea. Sa kabila nito, patuloy ang naturang bansa pag-iikot at pagkontrol sa ilang features sa loob nito.
Dahil dito, "Huangyan Dao" ang ipinangalan ng mga Tsino sa Bajo de Masinloc.
Tinawag namang "disinformation" ng Embahada ng Tsina sa Maynila ang alegasyon ng BFAR, bagay na magpapalala lang daw ng tensyon at kaguluhan sa ugnayan ng dalawang bansa.
"Ang mga haka-hakang walang batayan, paninira at pabago-bagong pahayag ng mga tagapagsalita ng mga nabanggit na ahensya ng Pilipinas ay maglalagay lang ng duda sa kanilang kredibilidad," dagdag pa ng embahada.
"Hinihikayat namin ang mga naturang ahensya ng Pilipinas na seryosohin ang usaping pandagat, at harapin ang mga Tsino sa pangangalaga sa bilateral relations pati na sa kapayapaan sa South China Sea."
— ChineseEmbassyManila (@Chinaembmanila) February 19, 2024
BFAR vs PCG?
Bagama't una nang sinabi ng BFAR na sadyang sinisira ng mga dayuhan ang Panatag, matatandaang binanggit ng Philippine Coast Guard na "wala pang sapat na ebidensyang" ginagamitan ito ng cyanide.
"Wala pa tayong siyentipikong pag-aaral o ebidensya na maikakabit ang cyanide fishing sa Bajo de Masinloc sa mga mangingisdang Tsino o Vietnamese ," ani PCG-West Philippine Sea spokesman Commodore Jay Tarriela.
Sa kabila nito, iniimbestigahan na raw nina National Task Force West Philippine Sea (NTF WPS) spokesperson Jonathan Malaya ang paghahain ang Pilipinas ng kaso laban sa Tsina o Vietnam kaugnay ng cyanide fishing.
Ayon sa Reef Resilience Network, ang cyanide na inii-spray sa mga bahura ay pumapataay ng corals na siyang tinitirhan, pinangingitlugan at pinagkukunan ng pagkain ng mga isda.
'Batas ng Pilipinas pairalin vs dayuhan'
Dismayado naman ang ilang aktibistang mangingisda sa kakulangan aniya ng aksyon ng BFAR sa pagpapatupad ng sarili nitong batas para protektahan ang yamang-dagat at mga mangingisdang Pilipino.
Tinutukoy ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ang Chapter VI, Section 91 ng Amended Fisheries Code o Republic Act 10654 — bagay na nagbabawal sa iligal na paghuli sa katubigan ng Pilipinas.
Pinaparusahan ng batas ang mga dayuhan mangisda o magpatakbo ng fishing vessel sa Philippine waters.
"Sa lawak ng sinirang bahura ng China at iba pang mga bansa sa West Philippine Sea, malaki na sana ang maaaring makolektang bayad-pinsala sa mga ito, na pwedeng gamitin para tulungan ang mga Pilipinong mangingisdang bagsak ang kabuhayan dahil sa pagkasira ng pangisdaan," wika ni PAMALAKAYA national chairperson Fernando Hicap ngayong Martes.
"Malupit ang batas sa mga Pilipinong mangingisda na mabilis akusahan ng iligal na pangingisda. Samantala, lantaran ang pandarambong ng China at iba pang mga bansa sa West Philippine Sea pero hindi ito nasasawata ng pamahalaan sa kabila ng umiiral na batas laban sa mga ito."
Dagdag pa ni Hicap, dapat ding kondenahin ang "makaisang-panig" na implementasyon ng batas sa mga Pilipinong mangingisda habang pinababayaan aniya ang mga dayuhang makapangisda sa karagatan ng Pilipinas.
Sa ilalim ng batas, pagamumultahin ng $600,000 hanggang $1 milyon an foreign poachers, maliban pa sa anim na buwan hanggang dalawang taong pagkakakulong.
- Latest