Kaso vs 'Mindoro oil spill' tanker umani ng suporta; danyos sa mangingisda iginiit
MANILA, Philippines — Nakakuha ng suporta ang Department of Justice (DOJ) mula sa mga progresibong mangingisda matapos irekomenda ng nauna ang paghahain ng criminal charges laban sa may ari at ilang opisyales ng Motor Tanker (M/T) Princess Empress.
Pebrero 2023 nang lumubog ang naturang barko malapit sa Naujan, Oriental Mindoro habang dala ang 800,000 litrong industrial fuel, dahilan para tumagas ang sandamukal na langis. Nakaapekto ito sa mga mangingisda dahil sa ipinatupad na mga fishing ban.
"Nararapat lamang na kasuhan ang may-ari ng lumubog na tanker na nagdulot ng mapaminsalang oil spill sa karagatan ng Mindoro Oriental noong nakaraang taon," ayon kay Fernando Hicap, PAMALAKAYA national chairperson, ngayong Huwebes.
"Ito ay bahagi ng pananagutan ng kumpanya sa pangmatagalang pinsalang idinulot nito sa kabuhayan ng mahigit 18,000 mangingisda mula sa ilang bayan ng Mindoro Oriental at mga apektadong karatig-lalawigan."
Una nang sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot sa 200,244 residente ang naapektuhan ng langis, dahilan para makapagtala ng 211 injuries.
Bukod pa 'yan P4.92 milyong halagang pinsala at production loss sa mahigit 27,850 magsasaka at mangingisda.
Bukod sa pananagot sa kasong kriminal, iginigiit din sa ngayon ng PAMALAKAYA ang kompensasyon sa mga pamilyang mangingisdang ilang buwang bumagsak ang kabuhayan dulot ng oil spill.
"Batay sa pananaliksik ng Center for Environmental Concerns (CEC), aabot sa P7, 500 kada buwan ang nawalang kita ng kada pamilyang mangingisda sa bayan lamang ng Pola," dagdag ni Hicap.
"Dapat ay tumbasan ng may-ari ng lumubog na barko ang nawalang kita ng mga mangingisda sa bawat buwan na tumatagas ang langis sa kanilang pangisdaan," dagdag pa ng grupo.
Mahigpit naman daw nilang babantayan ang pag-usad ng usapin habang hinihikayat ang publikong sumama sa kampanya upang hindi makatakas sa regulasyon ang kumpanya. Aniya, makatutulong ito para hindi pamarisan ng iba.
Una nang sinabi ng DOJ na nagsumite ng pinekeng dokumento ang shipping company na RDC Reield Marine Services Inc., dahilan para mapayagang maglayag ang tanker kahit hindi sumusunod sa mga reglamento.
- Latest