Pista ng Itim na Nazareno posibleng ideklarang ‘Pambansang Piyesta’
MANILA, Philippines — Malaki ang posibilidad na sa Enero 2025, magiging isang “National Feast” na ang Kapistahan ng Itim na Nazareno na ipagdiriwang sa buong bansa.
Ito ang inaasam ni Quiapo Church Rector Fr. Jun Sescon nang ihayag niya kahapon na hinihintay na lamang nila na maaprubahan ng Vatican ang deklarasyon para gawing National Feast ang Pista ng Itim na Nazareno.
“We pray that the next time we are gathered here, the Jan. 9 will be declared by the Church as a national feast in honor of the Black Nazarene,” ayon sa pahayag ni Fr. Sescon sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Walang alinlangan na nais umano nila na maging pambansang pista ito, ngunit nasa kamay na umano ng mga obispo at ng Papa ang desisyon depende sa kanilang magiging pag-uusap.
Maalala na inaprubahan noong Hulyo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mungkahi tungkol sa usapin sa ginanap na 126th Plenary Assembly.
Ang Traslacion ay taunang idinaraos kung saan milyong deboto ang nakikilahok sa aktibidad. Sa kasalukuyan, ipinagdiriwang na rin ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang parangal sa Itim na Nazareno.
Bukod dito, inaprubahan rin ng CBCP ang petisyon na ideklarang “national shrine” ang Quiapo Church noong Hulyo 2023. Pormal naman itong idedeklara na “national shrine” sa Enero 29, 2024.
- Latest