P40 milyon tinangay ng ‘Termite gang’ sa jewelry store, ATM machine ng mall
MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa P40 milyon halaga ng alahas at pera ang nalimas ng mga magnanakaw na pinaniniwalaang mga miyembro ng termite gang matapos na ransakin ng mga ito ang isang establisimyento ng alahas, Gadget shop at Automated Teller Machine (ATM) na nasa loob ng isang mall sa Ozamis City, Misamis Occidental kamakalawa.
Ayon sa Ozamis City Police Station, dakong alas-11:48 ng tanghali kamakalawa nang makatanggap sila ng tawag mula sa pamunuan ng Oro Italia Fine Jewelry Store hinggil sa pagnanakaw na naganap sa kanilang establisimyento na nasa loob ng Gaisano mall na matatagpuan sa Barangay Sta Cruz, Ozamiz City, Misamis Occidental.
Mabilis na rumesponde ang pulisya sa lugar at doon nila nalaman na bukod sa nasabing jewelry store, nilimas din ng mga magnanakaw ang kita ng katabing Queens Gadget Shop gayundin ang pera ng ATM.
Base sa ginawang imbestigasyon ng pulisya, pinasok ng mga suspek na hindi bababa sa tatlo katao ang loob ng jewelry store sa pamamagitan ng pagbutas sa sahig mula sa katabing food court ng mall.
Doon ay nilimas ng mga suspek ang mga naka-display na alahas gayundin ang katabing Gadget shop at tinarget din ang ATM machine sa loob ng mall at puwersahang binuksan at kinuha ang perang nasa loob nito.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng isinagawa ang pagnanakaw sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Bagong Taon habang nagkakaroon ng putukan kaya maaring hindi napansin ng security guard ang ingay na nagawa ng mga suspek.
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek sa pamamagitan ng pag-review ng mga CCTV camera sa iba’t-ibang parte ng mall.
- Latest