Nadisgrasya ng paputok pumalo sa 75 bago Bagong Taon 2024 — DOH
MANILA, Philippines — Nadagdagan ng 23 ang kaso ng fireworks-related injuries sa bansa ilang araw bago magtapos ang taong 2023, ayon sa pinakahuling taya ng Department of Health (DOH).
Sa 23 na bagong kaso, sinasabing edad 6-anyos hanggang 55 taong gulang ang mga nadisgrasya. Narito ang itsura ng mga biktima:
- lalaki: 20
- babae: 3
- naputukan sa bahay o kalapit na kalye: 23
- aktibong sangkot: 13
- gumamit ng iligal na paputok: 14
"Kasama sa mga bagong kaso ang dalawang (2) bagong amputation, na parehong kinasasangkutan ng ilegal na Pla-pla na sinindihan ng mga lalaking teenager na naputulan ng mga daliri," wika ng Kagawaran ng Kalusugan.
"Isang (1) amputation case kahapon ang maling naiulat; kaya ang kabuuang bilang ng mga amputation ngayong season ay anim na (6)."
Nasa 75 na ang nabibiktima sa ngayon. Anim sa bawat sampung kaso ay nanggaling sa mga sumusunod na erya:
- National Capital Region: 40%
- Central Luzon: 12%
- Ilocos Region: 8%
"Siyamnapu't anim na porsyento (96%) ang nangyari sa bahay at sa mga lansangan, karamihan ay mga lalaking may aktibong pakikilahok," dagdag pa ng DOH.
"Ang mga iligal na paputok ang dapat sisihin sa humigit-kumulang anim sa bawat sampung kaso."
Una nang ibinahagi ng Philippine National Police (PNP) ang updated na listahan ng mga iligal na paputok at pyrotechnic devices, bagay na kadalasang napakasensitibo.
Ngayong buwan lang nang maglabas ang Department of Trade and Industry ng mga certified fireworks upang magabayan ang mga consumer ngayong New Year.
Matagal nang hinihikayat ng DOH ang publikong umiwas ang lahat sa paggamit ng paputok, at sa halip gumamit na lang ng mas ligtas na paingay.
- Latest