^

Bansa

'Tuloy ang welga': 90% ng ruta sa NCR paralisado sa Day 1 ng strike, ayon sa PISTON

James Relativo - Philstar.com
'Tuloy ang welga': 90% ng ruta sa NCR paralisado sa Day 1 ng strike, ayon sa PISTON
Passengers wait for jeepneys along Commonwealth Avenue in Quezon City during a transport strike.
The STAR/Boy Santos

MANILA, Philippines — Bagama't minamaliit ng gobyerno ang epekto ng unang araw ng 3-day transport strike ng PISTON, nagawa raw ng progresibong grupo na maparalisa ang 90% ng ruta ng jeepney sa National Capital Region (NCR).

Ito ang ibinahagi ng PISTON sa ikalawang araw ng 3-day tigil-pasada laban sa phaseout ng tradisyunal na jeepney at December 31 deadline para sa franchise consolidation.

"Sasalubungin natin ang pagbabalik ni Marcos Jr. [mula Estados Unidos] ng pagpapatuloy ng ating malawakang welga dahil wala pang nagiging matinong sagot sa atin ang gobyerno," wika ni PISTON president Mody Floranda kaugnay ng pagtungo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa California para sa APEC Summit.

"Kahit pinalitan mo yung sasakyan pero pinatay mo naman ang kabuhayan ng mga Pilipino, nasaan ang pag-unlad doon?"

Iprinoprotesta ng PISTON na mawawalan ng kabuhayan ang maraming tsuper at operator ng jeepney na hindi makakapagkonsolida bago pumasok ang 2024, bagay na magpe-phase out sa mga naturang pampasaherong sasakyan kaugnay ng kontrobersyal na public utility vehicle modernization program (PUVMP).

Una nang sinabi ng mga transport groups na hirap silang makapagmodernisa lalo na't umaabot nang hanggang P2.8 milyon ang ilang modernong electric minibuses.

Kahapon lang nang maliitin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang epekto ng unang araw ng welga, ito habang iginigiit na "parang normal na Monday morning rush hour foot traffic" lang ang nangyari kahapon.

Iginigiit naman ng Department of Transportation (DOTr) na "hindi totoong" dudulo sa phase out ng traditional jeeps ang PUVMP, ito habang idinidiing hindi raw pinepwersa ang mga transport groups bumili ng milyun-milyong halagang "modern jeeps."

Ito'y kahit una nang inamin ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairperson Teofilo Guadiz III na magiging "last stage" talaga ng PUVMP ang pag-phase out ng traditional jeepney units.

"Halatang hindi nakikinig itong DOTr at ipinagmamalaki pang December 31 ay deadline lang sa consolidation at hindi phaseout," sabi pa ni Floranda.

"Eh yung mismong consolidation nga ang matagal na nating tinututulan. Dahil kahit paano pa nila pagbali-baliktarin, ang franchise consolidation ay pag-agaw sa mga indibidwal na prangkisa na katumbas na ay phaseout. Hindi lang phaseout ng sasakyan ang tinutukoy natin dito, kundi phaseout ng kabuhayan."

'Bukas ang linya ng komunikasyon'

Ayon naman sa DOTr ngayong araw, patuloy nitong fina-"fine tune" ang PUVMP para maipasok ang mas maraming jeepney operators at drivers.

Dagdag pa ni Transport Secretary Jaime Bautista, lagi't laging bukas ang DOTr na makipag-usap kung meron silang kalituhan sa PUVMP. Mainam din aniya na maplantsa ang ilang isyu sa pamamagitanng "honest communication."

"I still believe we can resolve the issues through honest communication. We have been fine tuning the program according to the voices of transport groups,"  ani Bautista kanina.

"In the PUV Modernization Program, we ensure no one gets left behind."

 

 

Ayon sa kalihim, sinubukan na niyang lumapit kay floranda para "maitama ang ilang misconcepcions" sa PUVP.

Sinasabing umabot na sa 5,000 ruta na may 135,761 consolidated franchises ang naaprubahan. Ino-operate daw ito ng nasa 1,838 kooperatiba at kumpanya.

Dagdag ng DOTr, maaaring mag-avail ng financial assistance ang mga transport cooperatives sa ibabaw ng subsidyo ng gobyerno na ma-upgrade ang kanyang PUV fleet patungong "low-carbon emission" units.

Sa kabila nito, hinihikayat pa rin ng PISTON ang lahat ng tsuper, operator at komyuter na lumahok sa strike sa kabila ng "pagsusumikap ng gobyerno maliitin ang epekto ng protesta."

DEPARTMENT OF TRANSPORTATION

JEEPNEY PHASEOUT

PISTON

PUV MODERNIZATION PROGRAM

TRANSPORT STRIKE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with