Barko ng Pinas hinabol ng Chinese vessels
MANILA, Philippines — Nagkahabulan ang barko ng Pilipinas at Chinese vessels hanggang sa matagumpay na naisagawa ng bansa ang resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal nitong Biyernes.
Ito’y ayon sa Philippine Coast Guard, tila pelikulang nangyari nang habulin ng Chinese vessels ang barko ng Pilipinas na nakalusot sa gitna ng mga pagharang at panggigipit ng China Coast Guard.
Nasa 11 Chinese vessels ang nagsagawa ng mga pagharang at panggigipit sa PCG vessels at sa resupply boats.
Nabatid na nasaksihan din ng ilang miyembro ng media ang habulan hanggang sa marating ng PCG personnel ang Ayungin Shoal.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, nakumpleto ang resupply mission sa kabila ng mga pagharang ng China Coast Guard.
Nabatid na sinamahan ng PCG ang dalawang barko na magsasagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre. Ang barkong World War II ay 1999 pa nasa Ayungin Shoal na indikasyon sa claim ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Tiniyak naman ng mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre na patuloy nilang ipaglalaban at babantayan ang pag-aari ng Pilipinas mula sa bansang naghahangad dito.
Matatandaang batay sa 2016 Arbitral Award and the United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ang Ayugin Shoal ay nasa loob ng 200-km exclusive economic zone ng Pilipinas.
Hindi ito matanggap ng China kaya patuloy ang pagharang sa mga resupply mission.
- Latest