Maharlika Fund 'tuloy na tuloy' bago matapos 2023 kahit suspendido, ani Marcos Jr.
MANILA, Philippines — Nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magiging "fully operational" pa rin ang kontrobersyal na Maharlika Wealth Fund bago matapos ang taon kahit na suspendido sa ngayon ang pagpapatupad nito.
'Yan ang ibinahagi ni Bongbong sa isang talumpati ngayong Huwebes bago tumulak sa Riyadh, Saudi Arabia para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) — Gulf Cooperation Council (GCC) Summit.
"I was a bit alarmed by the news reports early this morning that I read in the newspapers that we have put the Maharlika Fund on hold. Quite the contrary," sabi ng presidente, Huwebes.
"The organization of the Maharlika Fund proceeds a pace. And what I have found though is that we have found more improvements that we can make, specifically to the organizational structure of the Maharlika Fund."
"The concept of the Maharlika Fund... remains a good one. And we are still committed to having it operational before the end of the year."
Dagdag pa niya, ang kanyang pagsuspindi sa implementing rules and regulations ng Maharlika Fund ay hindi ginawa bilang paghusga sa kawastuan o kamalian ng pondo ngunit para makahanap ng mga paraan para mailapit ito sa "ideyal" at "perpektong" porma.
Aniya, ikinunsulta ito hindi lang sa economic managers ngunit pati na rin sa mga gobyerno-opisyal na aktwal na mangangasiwa nito.
"With that in mind, we are encouraged by the reaction of our friends in the Middle-East, and for that matter, around the world, to the fund and we're very encouraged that we are going down the right path," panapos ng presidente.
Pinangangambahan nang maraming sektor ang pagpapatupad ng naturang batas sa takot na maaabuso ito o hindi kaya'y uubos sa pensyon ng karaniwang tao oras na malugi.
Makakukuha ang Maharlika Investment Corp. ng hindi bababa sa P75 bilyon sa paid-up capital ngayon 2023. Nangangahulugan ito ng P50 bilyon mula sa Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines, na parehong bangko ng gobyerno.
Maglalagak din ng P50 bilyon dito mula sa dibidendo ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Kasama ring pagkukunan ang share ng gobyerno sa state-owned Philippine Amusement and Gaming Corp.
'Ibasura, hindi suspensyon'
Miyerkules lang nang sabihin ni House Deputy Minority leader at Rep. France Castro (ACT Teachers party-list) na hindi sapat na suspindihin ang pondo at sa halip nararapat lang na ibasura na lalo na't nailalagay daw nito ang LBP at DBP sa panganib.
Bukod pa rito, sablay raw ito simula't sapul dahil wala naman daw sobrang pondo ang gobyerno para rito.
Dati nang sinabi ni Marcos Jr. na gagamitin niya ang Republic Act 11935 para makabangon ang Pilipinas mula sa nakalulumpong epekto ng COVID-19 pandemic.
Setyembre lang nang hilingin ng Bayan Muna sa Korte Suprema na ideklarang unconstitutional ang batas lalo na't minadali raw ang pagpapatupad nito sa pamamagitan ng "presidential certification of urgency."
- Latest