^

Bansa

P125-M OVP confidential funds napakinabangan sana ng 8,300 magsasaka — grupo

James Relativo - Philstar.com
P125-M OVP confidential funds napakinabangan sana ng 8,300 magsasaka — grupo
Farm workers check on their crops, spray organic pesticides, and remove unwanted weeds at a rice field in Tanay, Rizal on September 19, 2023.
The STAR/Ernie Penaredondo

MANILA, Philippines — Maiiwasan sanang mawalan ng lupa ang libu-libong magsasaka kung nagamit sa repormang agraryo at agrikultura ang halagang inilaan ng gobyerno para sa P125 milyong confidential funds ni Vice President Sara Duterte.

Ito ang ibinahagi ni Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) spokesperson Ariel "Ka Ayik" Casilao ngayong Miyerkules habang nagigisa si Duterte sa kontrobersyal na pondong pang-surveillance, bagay na inubos daw sa loob lang ng 11 araw.

"8,333 magsasaka sana ang nakinabang sa P125 milyong confidential funds ni Sara Duterte na inubos niya sa 11 araw lamang," wika ni Casilao kanina.

"757 magsasaka sana ang nabigyan ng P15,000 subsidyo sa produksyon kada araw na winaldas niya ang pera ng bayan."

Matagal nang nananawagan ang UMA at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na mabigyan ng suporta ang mga magsasaka upang maging mas produktibo ang mga sakahan habang pinabababa ang retail cost para sa mga food staples gaya ng bigas.

Una nang nabatikos si Duterte matapos paulit-ulit na ayaw idetalye kung paano nagastos ang "confidential" na pondong kanilang nakuha noong 2022. Mas malaki pa nga sana ito noong inisyal sa halagang P250 milyon.

Pasismo vs magsasaka?

Pangamba pa ng UMA, ang pagbibigay ng pondo sa mga pasista kaysa sa mga magsasaka ay maglalagay lang daw lalo sa mga magbubukid sa peligro sa porma ng mga atake laban sa mga peasant associations and agri-workers’ unions.

Lalo rin aniya magiging bulnerable ang mga pesante sa pagkawala ng lupa sa mga corporate plantations gaya ng Dole Philippines (Dolefil).

"Bukod sa amortisasyon, kawalan ng suporta sa produksyon ang isa sa mga susing dahilan bakit napipilitan ang maraming magsasaka na magsuko ng kontrol, kung hindi man pagmamay-ari, sa kanilang lupa sa malalaking panginoon at korporasyon," dagdag pa ni Casilao.

"Masakit pa, ang perang ipinagkait sa mga magsasaka ay ipinansusupil sa kanila... Kung hindi ito ibinulbulsa, ang confidential funds ay ipinantutustos sa gera kontra-insurhensya ng rehimeng US-Marcos pang-atake nito sa anakpawis."

Kung hindi raw masisilip, posible rin aniya mapunta sa red-tagging ng mga magsasaka at agri-worker's unions ang confidential funds. Gusto rin aniya malaman ng dating Anakpawis lawmaker kung nagamit ang pondo sa pagkuha ng safehouses sa "pagdukot" sa mga aktibistanng sina Jhed tamano at Jonila Castro kamakailan.

Agosto lang nang depensahan ni Duterte ang mungkahing P150 milyong confidential funds sa ilalim ng Department of Education, bagay na kanyang pinangungunahan, para sa 2024 — bagay na magagamit daw ng ahensya sa anti-insurgency effforts.

Nananawagan ngayon ang UMA na gawin nang iligal ang confidential funds at kaparehong pondo na maaari lang daw magamit sa National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Sa halip, mainam daw na maibuhos na lang ito sa pagtataguyod ng domestic food security.

AGRARIAN REFORM

AGRICULTURE

CONFIDENTIAL FUNDS

OFFICE OF THE VICE PRESIDENT

RED-TAGGING

UNYON NG MGA MANGGAGAWA SA AGRIKULTURA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with