'Na-magic?': Pagsimot ng OVP sa P125-M confidential funds sa loob ng 11 araw napuna
MANILA, Philippines — Umani ng matinding batikos ang Office of the Vice President matapos lumabas ang balitang naubos nito ang milyun-milyong kontrobersyal na pondo sa loob ng 11 araw — mas maiksi kaysa sa unang naibalitang 19.
Lunes lang kasi nang kumpirmahin ng Commission on Audit ang impormasyon habang nagpapatuloy ang ikalimang plenary debates sa House Bill 8980 o 2024 General Appropriations Bill.
"Napakagaspang. P11 million kada araw? Daig pa ang may patagong credit card sa national budget. Hindi niyo pera yan," ani Sen. Risa Hontiveros sa isang pahayag nitong Martes.
"Confidential funds can be validly spent only on expenditures supporting surveillance activities of civilian agencies."
"'Yung ating Coast Guard sa West Philippine Sea, araw-araw binabantayan ang sumpong ng China. 17 years pinagkasya ang [P118.7] million na confidential funds. Ang OVP, hindi man lang umabot sa dalawang linggo."
Lumabas ang naturang balita sa pamamagitan ng budget sponsor at House committee on appropriations senior vice president Stella Quimbo habang humihingi ng linaw sa confidential funds si Gabriela Rep. Arlene Brosas.
Nakwestyon dito kung ilang reward payments kaugnay ng surveillance ang ginawa sa paggastos ng P11 milyon kada araw.
Ilang beses nang ayaw idetalye ni Bise Presidente Sara Duterte kung paano nila ginastos ang "confidential" na pondong nakuha noong 2022.
"What can VP Sara show for it? Nagmass hiring ba ang OVP ng libo-libong informant sa loob lang ng 11 na araw? Nagpatayo ba sila ng daan-daang safehouse sa loob lamang ng 11 na araw?" dagdag pa ni Hontiveros.
"Anong uri na naman ng magic ang ginamit nila para ubusin ang P125M sa loob ng 11 araw? Hindi na lang 'yan spending spree. 'Yan ay paglapastangan sa mamamayan."
Kanina lang nang kastiguhin ni Albay Rep. Edcel Lagman ang diumano'y kahinahilang pamamaraan ng pag-request ng OVP ng dagdag na pondo noong 2022.
Mas malaki sa PCG intel, confidential funds
Napupuna ang laki at bilis ng paggastos ni Duterte sa kanyang confidential funds habang nasa P118.7 milyon lang ang nakuha ng Philippine Coast Guard para sa parehong dahilan simula 20016 habang nagtatanggol ng West Philippine Sea.
"The total amount of the confidential and intelligence funds that the PCG received for the past 17 years is 118.7 million pesos," ani PCG Spokesperson for the West Philippine Sea (WPS), CG Commodore Jay Tarriela.
"As a public official, I would like to be transparent and ensure that we do not understate our confidential and intelligence funds."
I would like to update and provide the accurate information regarding the @coastguardph intelligence fund since 2006. The total amount of the confidential and intelligence funds that the PCG received for the past 17 years is 118.7 million pesos, not 117 million pesos as… pic.twitter.com/HMkTAFXgqj
— Jay Tarriela (@jaytaryela) September 26, 2023
Kasalukuyang itinutulak ngayon ng ilang mambabatas sa Kamara at Senado ang pagdadagdag ng confidential at intelligence funds ng PCG upang epektibong maipagtanggol ang West Philippine Sea, bagay na patuloy na pinanghihimasukan ng Tsina.
Kanina lang nang ibalitang tinanggal ng Coast Guard ang floating barriers na inilagay ng Beijing sa Scarborough Shoal, bagay na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipines.
Matatandaang ibinulgar ni Duterte ngayong Setyembre na ginamit ang kanyang confidential funds hindi lang para sa paniniktik ngunit pati na rin sa mga "feeding programs," "tree planting," atbp.
- Latest