'Wag magpaloko, maging scam alerto! Ito ang 5 tips para hindi mawalan ng pera sa e-wallet
MANILA, Philippines — Sa panahong todo-kayod ang mga Pilipino, todo-kayod din ang mga scammers na naghahanap ng mabibiktima ng isa sa mga pinakausong cybercrime ngayon—ang phishing.
Ang phishing ay isang uri ng scam kung saan kinukuha ng mga scammer ang mga personal na impormasyon gaya ng Mobile Personal Identification Number (MPIN) at One-Time Password (OTP) upang ma-access ang account ng mga biktima at tangayin ang laman nito.
Maraming mga paraan sa pagsasagawa ng phishing, gaya na lang ng paggamit ng pekeng website (online gambling scam), kahina-hinalang mga premyo at rewards (fake promo) at mga nagpapanggap na mga official representatives.
Upang hindi mapasubo sa panloloko ng mga scammer, sundin lamang ang mga tips na ito:
I-activate ang multi-factor authentication
Maliban sa MPIN o password, gumamit ng karagdagang seguridad gaya ng OTP. Ang GCash ay may DoubleSafe Face ID kung saan kakailanganin muna ng selfie scan para maglog-in sa panibagong device para sigurado na tanging Verified Account Owner lang ang may access sa account.
‘Wag basta-basta mag-click ng link
Kapag nakatanggap ng mensaheng nagsasabing nanalo ka sa lotto o papremyo mula sa hindi kilalang numero, ‘wag agad paniwalaan. Sumali ka nga ba sa raffle? Saan ka nanalo? Paano nila nakuha ang numero mo?
Tandaan na hindi kailanman magpapadala ang GCash ng links via SMS, email, Messenger o kung ano pang messaging app, kaya huwag mag-click ng kahit anong link na nagkukunwaring galing sa GCash.
Tignan nang maigi ang mensahe ng OTP request
Sa mga lehitimong transaksyon, madalas hingin ang OTP bilang karagdagang seguridad. Kapag nakatanggap ng OTP sa pamamagitan ng text message, ugaliin na basahin ang kabuuan nito upang masigurado na tugma ito sa transaksyon na nais mong gawin.
Kung hindi ka nag request ng OTP o kung magkaiba ang laman ng mensahe sa nais mong transaksyon, huwag ilalagay ang OTP sa site o ibigay ito kanino man, para maiwasan na ma-link ang iyong account sa ibang device.
‘Wag magpapadala kapag minamadali ng iba
Kapag nakatanggap ng advisory na minamadali ang paghingi ng personal information, kadalasang senyales ito ng phishing scam. Kapag may totoong problema sa isang kumpanya, palagi kayong mabibigyan ng tamang oras upang maresolba ang isyu at hindi ito kailanman mangangailangan ng MPIN o OTP.
Kapag nakatanggap ng message o tawag na nagsasabing on-hold ang inyong GCash account, tignan muna kung totoo at buksan ang inyong app. Gawin lamang sa opisyal na GCash app ang lahat ng transaksyon, at hindi sa pamamagitan ng tawag o messaging apps.
Alalahanin na hindi kailanman nagreresponde ang GCash sa mga katanungan sa pamamagitan ng messaging apps.
Huwag i-share ang MPIN at OTP
Ang mga phishing scam ay natutuloy kapag nakuha na ng kriminal ang impormasyon tulad ng MPIN at OTP. Ang pinakamadaling paraan para maiwasang maging biktima ay huwag kailanman ibigay ang MPIN at OTP kahit kanino. Tandaan na hindi kailanman hihingiin ng GCash ang inyong MPIN at OTP.
I-report lang sa GCash Help Center ang mga kahina-hinalang aktibidad ukol sa iyong GCash account, o i-message si Gigi sa website gamit ang, “I want to report a scam.”
- Latest