Kawalang trabaho tumalon sa 4.5% nitong Hunyo, ayon sa PSA
MANILA, Philippines — Umakyat ang bilang at porsyento ng walang trabaho sa work force ng Pilipinas matapos itong humataw sa 2.33 milyon nitong Hunyo, mas mataas ng 159,000 kaysa noong Mayo 2023.
Ito'y matapos lumobo 4.5% ang unemployment rate para sa naturang buwan, mas mataas kumpara sa 4.3% bago ito, sabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Miyerkules.
"The number of unemployed persons in June 2023 decreased to 2.33 million from 2.99 million in June 2022, posting a year-on-year decline of 663 thousand unemployed persons," sabi ng ahensya kanina.
"However, the number of unemployed persons in June 2023 was higher by 159 thousand compared with the number of unemployed persons in May 2023."
Naitala sa naturang June 2023 ang mga naturang datos:
- unemployment rate: 4.5%
- unemployed: 2.33 milyon
- underemployment rate: 12%
- underemployed: 5.87 milyon
- employment rate: 95.5%
- employed: 48.84 milyon
- labor force participation rate: 66.1%
Kapansin-pansing mas mataas ang underemployment rate sa ngayon kumpara noong Mayo sa 11.7%. Tumutukoy ito sa milyun-milyong Pilipinong naghahangad pa ng dagdag na oras sa trabaho o dagdag na trabaho.
Karaniwang ginagawa ito sa tuwing naghahanap nang mas maraming kita ang tao.
Sumabay ang mas mataas na unemployment rate at mas maraming walang trabaho sa pagbaba ng employment rate sa 95.5%. Matatandaang nasa 95.7% ito noong Mayo 2023.
"By broad industry group, the services sector continued its dominance among the sectors in terms of number of employed persons with a share of 58.2 percent," dagdag ng PSA.
"The agriculture and industry sectors accounted for 23.8 percent and 18.0 percent share, respectively."
Hulyo lang nang ibida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang pag-igi ng kawalang trabaho nitong Mayo, bagay na malayo na raw sa naramdaman ng ekonomiya sa gitna ng COVID-19 lockdowns.
Bilang tugon, agresibo raw ang pamahalaan sa investment at business promotions and facilitations.
Nangyayari ang lahat ng ito matapos iulat ng Social Weather Stations na umakyat sa 10.4% ang bilang ng mga pamilyang Pilipinong nagsabing nakaranas sila ng kawalang pagkain bago nagtapos ang Hunyo.
- Latest