2 priority bills ni Marcos Jr., ihahabol ng Kamara
MANILA, Philippines — Dalawa pang panukala na prayoridad maisabatas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), ang ihahabol na matapos ng Kamara, bago ang sine die adjournment ngayong linggo, sanhi upang umabot ito sa kabuuang 33 bills.
“We are doing our part in supporting the President’s socio-economic development agenda by passing these urgent proposed pieces of legislation that would sustain our economic growth and create more job and income opportunities for our people,” ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ito ang Philippine Salt Industry Development Act at Bureau of Immigration Modernization Act.
Kapag naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang mga nabanggit na panukala ay 33 na sa 42 prayoridad ng LEDAC ang natapos ng Kamara wala pang isang taon mula ng manungkulan si Romualdez.
Tatlo namang LEDAC priority ang aaprubahan sa ikalawang pagbasa.
Ito ang Natural Gas Industry Enabling Law, National Employment Action Plan, at Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System Bill.
Ayon kay Romualdez, layunin ng Philippine Salt Industry Development Act na buhayin ang naghihingalong industriya ng asin sa bansa at mabawasan ang pag-angkat nito.
Iginiit ni Romualdez ang pangangailangan na tulungan ang mga mag-aasin sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng pagsasanay, makabagong teknolohiya at pondo para mapataas ang kanilang produksyon.
Target naman ng Bureau of Immigration Modernization Act na amyendahan ang 83-anyos na Philippine Immigration Act of 1940.
Ang modernisasyon ng BI ay naglalayon na makasunod ang bansa sa mga pagbabago at mas mapatibay ang pagbabantay laban sa cross-border crime gaya ng smuggling, illegal recruitment at human trafficking, ayon kay Speaker Romualdez.
Itataas din ng panukala ang sahod ng mga immigration personnel.
- Latest