7 pang Arcturus subvariant, natukoy
MANILA, Philippines — Pito pang kaso ng Omicron subvariant Arcturus ang natukoy ng Department of Health sa pinakahuling genome sequencing nitong Mayo 9-11.
Sa resulta ng sequencing run ng San Lazaro Hospital at University of the Philippine-Philippine Genome Center, nadiskubre ang bagong pitong kaso ng XBB.1.16 sa Cordillera Administrative Region, Western Visayas, Mimaropa, Bicol Region at Central Luzon.
Dahil dito, umakyat na ang kabuuang kaso ng Arcturus sa bansa sa 11 na pawang mga lokal na kaso.
Sinasabing mas nakakahawa ang naturang subvariant at kayang umiwas sa immunity ng tao ngunit hindi naman umano nakakapagdulot ng malubhang karamdaman sa mga pasyente.
Inihayag din ng DOH na mayroon nang ‘lokal na transmisyon’ ng Arcturus dahil ang mga nadiskubreng kaso ay walang exposure sa labas ng bansa ang mga pasyente.
Bukod dito, nakatukoy pa ang DOH ng 131 bagong mga kaso ng iba pang omicron subvariants.
Kabilang dito ang 33 XBB.1.9.1, 13 XBB.1.5, walong XBB.1.9.2 at 25 iba pang XBB sublineages; 36 kaso ng BA.2.3.20, dalawang BA.2.75., at 7 XBC cases.
- Latest