SIM registration pinalawig ng 90 araw, pero socmed ng unregistered nangaganib
MANILA, Philippines — Inanunsyo ng gobyerno ngayong Martes na palalawigin pa ng 90 araw ang pagpaparehistro ng mga SIM cards isang araw bago ang April 26 deadline, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Ito ang sinabi ng kalihim sa interagency taskforce meeting ng Department of Justice sa Mindoro Oil Spill. Ani Remulla, nanggaling siya sa isang pulomng kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang Department of Information and Communications Technology.
The DOJ Secretary announced the 90-day extension during the DOJ's interagency taskforce meeting on the Mindoro oil spill. He had just come from a meeting in Malacañang with President Marcos Jr. and the DICT. @PhilippineStar https://t.co/1RbR2KJ4ap
— Marc Jayson Cayabyab (@mjaysoncayabyab) April 25, 2023
Sa kabila nito, sinabi ni Remulla na magkakaroon ng "social media unavailability" o "limited access" sa kanilang online accounts ang mga hindi makarerehistro 90 araw matapos ang April 26 deadline. Ito'y para sa socmed accounts na nakarehistro gamit ang nabanggit na numero.
Wala kahit saan sa SIM Registration Law na nagsasabing mawawalan ng social media access ang mga hindi makakapagparehistro.
Nakatakdang magbigay ng anunsyo si Information and Communications Technology Secretary Ivan Uy patungkol sa isyu matapos makipag-usap kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw. Nangyari ito matapos ireklamo ng mga mobile subscribers at telecommunications companies.
Nasa 82.84 milyon (49.31%) pa lang ang registered SIM cards mula sa kabuuang 168.01 milyon, ayon sa National Telecommunications Commission nitong Linggo. Milyun-milyon (50.69%) pa ang unregistered sa ngayon.
Lunes lang nang makipagkita ang DICT sa iba pang mga ahensya pati na ang mga telco operators na matagal nang humihiling ng extension gaya ng mga mobile users.
Sabado lang nang sabihin ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na kailangan itong i-extend dahil sa milyun-milyong magsasaka, mangingisda at mga taga-probinsya ang tiyak na mawawalan ng access sa kanilang mga SIM card dahil dito.
Una nang sinabi ni Digital Pinoys national campaigner Ronald Gustilo na marami pa rin ang hindi nakakapagparehistro sa ngayon dahil sa kawalan ng valid IDs, kawalan o kakulangan ng internet at mga gadgets para sa proseso.
Bago ito, ilang beses nang sinasabi ng DICT na walang mangyayaring pagpapalawig, kahit na pwede itong palawigin ng hanggang 120 araw ayon sa Republic Act 11934.
Layunin ng SIM Card registration law, ayon kay Marcos Jr., na matugunan ang mga krimen na isinasagawa gamit ang mga SIM card at mobile devices gaya ng mga text scams. Sa kabila nito, marami ang mga alinlangan sa batas pagdating sa privacy, personal security at surveillance.
Nakatatanggap pa rin ng text scams hanggang ngayon kahit na ang mga nakarehistro na. — may mga ulat mula kay The STAR/Marc Jayson Cayabyab
- Latest