Aircon sa public schools, walang budget - DepEd
MANILA, Philippines — Isinaisantabi muna ng Department of Education (DepEd) ang panukalang lagyan na ng air conditioners ang mga pampublikong paaralan sa bansa upang maibsan ang init na nararamdaman ng mga estudyante habang sila ay nasa eskwela, bunsod na rin umano ng budget restrictions.
Una nang isinuhestiyon ni Parents-Teachers Association (PTA) President Willy Rodriguez na dapat gawin nang air-conditioned ang mga silid-aralan sa mga public schools upang matugunan ang learning disruptions sa ilang lugar, na dala ng matinding init ng panahon.
Bilang reaksiyon, sinabi naman ni DepEd spokesperson Michael Poa na may budget restrictions ang DepEd. Maaari naman anyang ipagpatuloy ang klase ng mga mag-aaral kahit na mainit ang panahon, sa pamamagitan ng alternative delivery modes.
“Of course…we have fiscal restrictions sa budget. Napakarami pa, hindi lang aircon ang problema natin, napakarami pa nating mga dapat paggastusan sa ating mga classrooms,” paliwanag pa ni Poa.
Nauna rito, pinaalalahanan na rin ng DepEd ang mga school heads na may diskresyon silang magsuspinde ng face-to-face classes at lumipat muna sa modular distance learning kung nakakaranas ang kanilang lugar ng matinding init ng panahon at pagkawala ng suplay ng kuryente.
Nanawagan na rin kamakailan ang ilang grupo ng mga guro na ibalik ang dating school calendar, kung kailan ang summer vacation ay nakatapat sa mga buwan ng Abril at Mayo dahil sa nararanasang matinding init ng panahon sa ngayon.
- Latest