Dagdag benepisyo, opisina sa mga ex-Philippine presidents isinulong
MANILA, Philippines — Naghain si Senador Christopher “Bong” Go ng panukalang batas na nagmumungkahi na magbigay ng karagdagang benepisyo at pribilehiyo sa mga dating pangulo ng Pilipinas kahit na matapos ang kani-kanilang termino, bilang pagkilala sa kanilang mahalagang kontribusyon at mahalagang papel sa lipunan.
Inihain ni Go, kasama ang mga senador na sina Mark Villar, Francis Tolentino, at Ronald “Bato” dela Rosa, ang Senate Bill No. 1784 o ang panukalang “Former Presidents Benefits Act of 2023” noong Enero 26.
Nakasaad sa panukala na ang mga dating pangulo ay inaasahang “gagampan pa rin ng mga tungkulin pagkatapos ng kanilang termino sa pagkapangulo tulad ng pakikipagpulong sa mga dayuhan at lokal na dignitaryo, at pagdalo sa mga pampublikong kaganapan at iba pang pakikipag-ugnayan sa lipunan.” Dahil sa kadahilanang ito, madalas na nangangailangan pa rin sila na gumamit ng mga serbisyo ng mga personal na kawani at magpanatili ng mga pribadong opisina.
“Kahit ngayon na tapos na ang kanilang termino, hindi po ibig sabihin ay tapos na ang kanilang serbisyo at sakripisyo para sa bayan. Patuloy pa rin silang tumutulong sa tao, at dahil diyan, patuloy din po ang banta sa kanilang buhay,” ayon kay Go.
Kung minsan aniya, kailangan pa rin ng mga dating pangulo na magsilbi sa mga nasasakupan, magpakita sa publiko at tumanggap ng mga bisita dahil sa kanilang katayuan.
Kung maipapasa aniya ang panukalang batas, lahat ng dating pangulo ay may karapatan sa karagdagang mga benepisyo at pribilehiyo, tulad ng personal na seguridad at proteksyon, sapat na kawani na ibinibigay ng Opisina ng Pangulo, at angkop na espasyo ng opisina, bukod sa iba pa.
Bukod sa nasabing mga benepisyo, layunin din ng panukalang batas na mabigyan ng proteksiyon ang pamilya ng mga dating pangulo upang mapigilan ang anumang pagtatangkang saktan sila matapos na umalis na sa serbisyo.
- Latest