Libreng Sakay tuloy, P1.285 bilyong pondo inilaan
MANILA, Philippines — Tuloy ang libreng sakay ng EDSA Busway System ngayong taon.
Ito’y matapos paglaanan ng gobyerno ng P1.285 bilyon ang Libreng Sakay program.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, aprubado na ang Service Contracting program ng Department of Transportation base na rin sa Republict Act 11936 o Fiscal Year 2023 General Appropriations Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang programang Service Contracting ang nagbibigay daan sa pagpapatuloy ng Libreng Sakay para sa publiko, kabilang ang mga bus commuter sa kahabaan ng EDSA.
Sinabi ni Pangandaman na naiintindihan ng gobyerno ang kalagayan ng commuting public kaya binigyan sila ng Pangulo ng direktiba na gawin ang lahat upang makatulong sa pagpapagaan ng kanilang pasanin.
Malaki aniyang tulong ang libreng sakay sa publiko upang makatipid at mabawasan ang kanilang pasanin sa mataas na gastusin dahil sa inflation.
Ang matitipid sa pamasahe sa araw-araw ay maaaring magamit sa iba pang pangangailangan gaya ng pagkain, kuryente, tuition fee at iba pa.
Ang Libreng Sakay ay pinagsamang programa ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para tulungan ang mga commuter sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Natapos ang libreng sakay noong katapusan ng Disyembre 2022 at itutuloy ngayong 2023.
Noong Disyembre 27, 2022, nakapagtala ang LTFRB ng 164,966,373 pasahero na nag-avail ng Libreng Sakay sa kahabaan ng EDSA.
- Latest