Trust, satisfaction ratings ni Bong Go sumirit
MANILA, Philippines — Dahil sa mas mataas na trust at satisfaction ratings, pinasalamatan ni Senator Christopher “Bong” Go ang sambayanang Pilipino sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataon na maglingkod kaya muli niyang idiniin ang pangakong patuloy na tutulong sa mas mahihinang sektor sa buong bansa.
“Gusto kong pasalamatan ang lahat ng patuloy na sumusuporta at nagtitiwala sa akin. Sa totoo lang, ako, tulad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay isang simpleng probinsyano na nabigyan ng pagkakataong maglingkod sa bayan,” ani Go.
Batay sa resulta ng survey ng Tugon ng Masa (TNM) 2022 Fourth Quarter ng OCTA Research, nagtala ang senador ng 74% overall trust rating noong Oktubre 2022, mas mataas ng 24% kumpara sa kanyang rating noong Disyembre 2021 na 50%.
Ang October 2022 performance rating ni Go na 71% ay isang markadong pagtaas din mula sa kanyang Disyembre 2021 na rating na 50% sa lahat ng pangunahing lugar at socio-economic classes.
Bawat rehiyon, 100% ng mga nasa hustong gulang na Pilipino sa Cordillera Administrative Region ay nagtitiwala at nasisiyahan sa mga ginagawa ni Go. Nakatanggap din siya ng buong marka sa usapin ng pagtitiwala sa mga rehiyon ng Ilocos at Davao.
Ang TNM National Survey ay isang independiyente at hindi kinomisyong survey na regular na isinasagawa ng OCTA Research. Isinagawa ang subject poll mula Oktubre 23 hanggang 27, 2022 na may 1,200 lalaki at babae na probability respondents na edad 18-anyos pataas mula sa Class AB, C, D o E.
- Latest