PAGASA: 2 bagyo 'asahang papasok pa' ngayong Disyembre
MANILA, Philippines — May tiyansang gambalain ng dalawa pang bagyo ang Philippine area of responsibility sa pagpasok ng huling buwan ng taon, bagay na hindi malayong mag-landfall at umabot ng "typhoon" o "supertyphoon" category.
Ito ang ibinahagi ni DOST-PAGASA Weather Specialist Benison Estareja, Huwebes nang umaga, habang ibinabahagi ang mga pangalang maaaring ibigay sa mga nabanggit.
"In general po, ang mga bagyo tuwing December... mas mataas ang tiyansa na tumatama sa kalupaan or nagla-landfall. At hindi po natin dini-discount na posibleng maging malalakas ang mga ito: nasa typhoon at supertyphoon categories," sabi niya kanina.
"Ngayong taon naman po ng December, asahan pong isa o dalawang bagyo na pumasok ng ating area of responsibility. At mga susunod na pangalan, letter R, Rosal, at letter S, Samuel."
Ibinase raw nila ang kanilang pag-estima sa Tropical Cyclone Climatological Track ng PAGASA. Ipinakikita roon ang mga dinaanan ng mga bagyo sa nakalipas na 80 taon.
Ang mga madadalas na daanan ng bagyo tuwing Disyembre ay tinatawag na "average tracks."
Sa tuwing mababa ang entrypoint ng mga bagyo o nagsimula sa silangan ng Mindanaosa PAR, kadalasa'y kumikilos ito pakanluran o pakanluran hilagangkanluran. Madalas itong sumasalpok sa hilagangsilangang Mindanao.
Kalimitan nitong naaaapektuhan ang Rehiyon ng CARAGA, Northern Mindanao, malaking bahagi ng Visayas at kahit MIMAROPA.
Kapag bahagyang mataas ang punto ng pagpasok ng bagyo sa PAR gaya ng silangang bahagi ng parte ng Visayas o Bicol Region, may tendensiya rin itong mag-landfall sa natitirang bahagi ng Luzon lalo na ang Rehiyon ng Bikol.
Gayunpaman, may maliit na tiyansang kumurba ang mga bagyong ito palapit ng Northern Luzon ngunit lumalayo rin papunta ng north Philippine Sea.
Sa taya ng state meteorologists, nasa 20 bagyo taun-taon ang pumapasok ng PAR, kung saan walo o siyam dito ay tumatawid mismo ng Pilipinas. "
Peak typhoon season" kung ituring ang Hulyo hanggang Oktubre, kung kailan 70% ng mga typhoon ay nabubuo.
- Latest