^

Bansa

Senador itinulak P1 budget sa Optical Media Board sa 2023 dahil sa 'zero performance'

James Relativo - Philstar.com
Senador itinulak P1 budget sa Optical Media Board sa 2023 dahil sa 'zero performance'
Makikitang winawasak ang mga piniratang CDs na ito ng isang pison noong Oktubre 2019
Mula sa Facebook page ng Optical Media Board

MANILA, Philippines — Isinusulong ni Sen. Jinggoy Estrada na bigyan lang ng "piso" ang Optical Media Board (OMB) mula sa panukalang P5.26 trilyong national budget sa 2023 sa dahilang "hindi nagtrabaho" ang ahensya sa nakaraang taon.

"According to my research, the OMB had no performance whatsoever for the past year. No collection, no apprehension of violators, wala, talagang zero performance," sabi ng senador sa panayam ng Net25, Huwebes.

"One year in office, wala talagang ginawa, zero performance. That's why on Monday, during continuing budget plenary deliberations in the Senate, I will propose for a one peso budget for OMB."

Kilala ang OMB sa pagsalakay sa mga nagbebenta ng piratang CDs at DVDs bilang bahagi ng pagprotekta ng intelectual property rights sa pormang digital. Sila rin ang responsable sa pagreregula ng produksyon, paggamit at distribution ng recording media sa Pilipinas.

Habang dinidinig ang panukalang budget budget para sa OMB nitong ika-18 ng Oktubre para sa 2023, kinwestyon ni Estrada ang chairperson ng ahensya na si Jeremy Marquez sa aniya'y kawalan ng maipagmamalaking performance mula nang maupo sa regulatory office.

"During your term, there was zero administrative cases filed against violators of [Republic Act] 9239 from November 2021 when you took over until about July of this year 2022. In contrast, the OMB was averaging 200 administrative cases filed each month before you took over," wika ni Jinggoy.

"Number two, zero seizures of counterfeit and illegal storage devices from November 2021, when you took over, until August of this year. In fact, you only recently ordered the OMB agents to conduct seizure operation against violators of RA 9239 just so you can have something to report for the budget deliberations in both Houses of Congress."

Bago makaupo si Marquez sa pwesto, nakakolekta naman daw ang ahensya ng sumusunod na halaga para sa administrative penalties:

  • P560,000 (2018)
  • P1.83 milyon (2019)
  • P350,000 (2020)
  • P2.3 milyon (2021)

Ang halaga ng mga nakumpiska kada taon ng OMB sa pagitan ng 2018 hanggang 2021 ay mula P71.65 milyon hanggang P309.9 milyon. Nang si Marquez ang naging chairman, umabot lamang ito sa P100,000.

Paliwanag ni Marquez kay Estrada, hindi na kailangang magsagawa ng kaparehong seizure operations dahil hindi na sing-talamak ang pagbebenta ng mga pekeng DVDs ngayon katulad ng dati, lalo na't dina-download na lang ito direkta nang iba mula sa internet.

"Hindi pupuwedeng ganoon. Kasi kapag nagkasala ka, kapag labag sa batas, kailangan aksyunan mo. Hindi ka naman puwedeng maging friendly sa lahat," sabi pa ni Jinggoy.

"Kung maging friendly ka sa mga kawatan, kung maging friendly ka sa mga violators ng batas, walang mangyayari. Talagang wala kang maa-apprehend."

Oktubre lang nang sabihin ng OMB chairperson sa panayam ng CNN Philippines na "top 6" ang Pilipinas pagdating sa Asian countries na may pinakamaraming engagements sa illegal downloading at illegal streaming sa 1.3 bilyong clicks noong 2021.

Ani Marquez, tumaas pa ito ngayong 2022 ng 35% sa 1.7 bilyong clicks pagdating sa movies, TV, libro atbp. Kasalukuyang nagbabalangkas daw ng panukalang batas ang OMB para labanan ang piracy sa online medium.

Noong nakaraang buwan lang nang mabatikos online si Jinggoy matapos niyang banggitin na pinag-iisipan niyang "i-ban" ang Korean shows sa Pilipinas upang protektahan ang lokal na industriya ng showbiz. Pero paliwanag niya, "frustrated" siya noong sinabi niya ito.

JINGGOY ESTRADA

OPTICAL MEDIA BOARD

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with