1st jail-based drug rehab hub sa bansa, pinasinayaan
MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) chief Director Allan Iral ang pagpapasinaya sa Malaybalay City Jail Reformatory Center sa Bukidnon, ang pinakauna sa tatlong jail-based drug reformation centers na itinayo sa ilalim ng “Kanlungan sa Piitan” project ng BJMP at ng Dangerous Drugs Board (DDB).
Nagpasalamat si Iral sa DDB sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Catalino Cuy sa pagsuporta sa anti-drug reform programs ng BJMP partikular na ang probisyon ng pondo para sa reformation center.
“This will answer major concerns of the BJMP, especially in providing specialized care to the drug-affected sector of the PDL population,” pahayag ni Iral sa inagurasyon nitong Sabado.
Tiniyak din niya na patuloy na pagsisikapan ang pagpigil sa illegal substances sa BJMP-run jails.
Noong Dec. 17, 2019, pumasok ang BJMP at DDB sa memorandum of agreement sa pagtatatag ng drug rehabilitation facilities sa BJMP jails at pagpopondo rito upang maisakatuparan ang inisyatiba.
Batay sa datos ng BJMP Directorate for Operations, may kabuuang 90,062 PDL o 68.59 porsyento ng kabuuang 131,311 PDL population sa 477 BJMP facilities ang nahaharap sa drug-related charges.
Ipapasok sa “Kanlungan sa Piitan” ang mga PDL na inatasan ng korte na sumailalim sa anim na buwang drug rehabilitation bilang penalty.
Bukod sa Malaybalay City Jail Reformatory Center, dalawa pang BJMP reformatory centers ang itatayo. Isa ay sa Argao, Cebu na may 82 percent completion rate hanggang nitong Dec. 12, 2021 at ang isa ay sa San Pablo, Laguna.
- Latest