Nasa 18 milyong kaso hinawakan ng PAO sa pandemya
MANILA, Philippines — Nasa 18 milyong kaso ang hinawakan ng mga abogado ng Public Attorney’s Office (PAO) sa kasagsagan ng pandemya mula 2019 hanggang ngayong 2021, ayon kay PAO Chief Persida Rueda-Acosta.
Tinawag ni Acosta ang mga public attorney na mga hindi kinikilalang “bayaning frontliners” pagdating sa larangan ng batas dahil sa sakripisyo nila na maisulong ang hustisya kahit sa panahon ng pandemya.
Sinabi niya na noong 2020 ay nasa 6,687,630 kliyente ang kanilang napagsilbihan; 9,707,274 kliyente noong 2021; 752,196 kliyente noong 2020; at 787,174 kliyente ngayong 2021.
“Our more than 2,000 public attorneys have vital roles in the attainment of the achievements of PAO. Notably during the height of the pandemic,” ayon kay Acosta.
Sa mga kasong hinawakan ng PAO attorneys, nakakuha umano sila ng 83.05% na paborableng disposisyon ng mga hinawakang kaso na higit sa 81.34% target na itinakda sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) ng Fiscal Year 2021.
Nagsasagawa ngayon ang higit sa 2,000 abogado ng PAO ng una nilang ‘face-to-face national convention’ sa Philippine International Convention Center (PICC) na nag-umpisa nitong Lunes.
Ang isang linggong convention ay para sa 7th Mandatory Continuing Legal Education (MCLE), layon na dagdagan ang kaalaman ng mga abogado sa nagbabagong klima ng sistema ng hustisya sa bansa. Kasabay rin ito ng ika-50 anibersaryo ng PAO sa darating na Oktubre 22.
Makakatulong umano ang mga dagdag-kaalaman na ito sa mga public attorney’s sa pagtatanggol sa mga mahihirap na publiko na lumalapit sa PAO at hindi kayang ipagtanggol ang mga sarili sa mga hindi makatwirang asunto.
- Latest