Negros Gov. Teves, ‘di dapat bumaba sa puwesto
MANILA, Philippines — Kasunod ng desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na ideklara si Roel Degamo bilang nanalong gobernador ng Negros Occidental noong May 9 polls, inihayag ng legal team ni incumbent Governor Henry Teves na hindi pa siya dapat na bumaba sa kanyang puwesto.
Ayon sa kanyang legal counsel na si Atty. Ferdinand Topacio, dapat na ipagpatuloy ni Teves ang panunungkulan sa mga mamamayan ng Negros Oriental bilang gobernador dahil naiproklama na siyang nanalo sa gubernatorial race sa lalawigan at nakapanumpa na rin bilang gobernador.
Matatandaang inatasan ng Comelec si Teves na bakantehin ang kanyang puwesto matapos ang inilabas nitong ruling na ang mga boto ng nuisance candidate na si Ruel Degamo ay ibilang sa dating gobernador.
Binigyang-diin ni Topacio na ang aksiyon ay hindi legal dahil walang quorum sa bahagi ng Comelec para desisyunan ang isyu.
Iginiit pa ng abogado na dapat na mayroong apat na commissioners na present upang desisyunan ito.
Idinagdag pa niya na si Degamo ay mayroong nakabinbing kaso dahil tumakbo siya sa gubernatorial post ng apat na beses, sa halip na tatlo lamang, alinsunod sa isinasaad ng batas.
Ayon pa kay Topacio, ang mga kinauukulang hukuman ang dapat na magdesisyon sa magiging kapalaran ni Teves sa provincial government ng Negros Oriental.
- Latest