1,944 kawani ng gobyerno, nakinabang sa libreng sakay ng MRT-3
MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng Department of Transportation (DOTr)-Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na umabot sa 1,944 kawani ng gobyerno ang nakinabang sa handog nilang Libreng Sakay kamakalawa.
Matatandang nagkaloob ng libreng sakay ang tatlong rail lines sa Metro Manila, kabilang ang MRT-3, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-122 anibersaryo ng Philippine Civil Service.
Ayon sa DOTr-MRT3, nasa 661 kawani ng gobyerno ang nabigyan ng LibrengSakay mula alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga.
Pagdating naman ng hapon alas-5:00 hanggang alas-7:00 ng gabi, umabot sa 1,283 kawani ng gobyerno ang dumagsa at nakinabang sa handog ng MRT-3.
Kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng Philippine Civil Service, binati rin ni MRT-3 General Manager (GM) Engr. Federico Canar, Jr. ang mga kawani ng gobyerno sa kanilang kadakilaan bilang taga-bigay ng serbisyo para sa bayan.
“Nawa ay napadama namin ang pagpapahalaga sa inyo ng Libreng Sakay ng MRT-3, at asahan ninyong patuloy pang paiigtingin ng linya ang pagbibigay ng ligtas at komportableng serbisyo para sa lahat ng pasahero,” ani GM Canar.
Bukod sa MRT-3, nagbigay rin ng libreng sakay sa mga government employees nitong Lunes ang Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at Philippine National Railways (PNR).
- Latest