Mandatory face mask sa seniors, immunocompromised sa indoor, kinuwestyon
MANILA, Philippines — Naniniwala si Dr. Mike Aragon, Chairman ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI) na isang paglabag sa Article 3 Section 1 ang ipapatupad na mandatory face mask sa mga indoor place, public utility vehiches sa mga senior citizens at mga immunocompromised indibiduwal dahil walang batas na nagtatakda dito.
Sa ginanap na Kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni Aragon na labag sa Bill of Rights ukol sa karapatang malayang makapamuhay ng isang indibidwal ang puwersahang pagpapasuot ng face mask.
Ang pahayag ni Aragon ay batay na rin sa rekomendasyon ng legal team ng KSMBPI kung saan suportado ng dating Pangulo ng Philippine Medical Association (PMA) at Clean Air Philippine Movement Inc. (CAPMI) President na si Atty. Leo Olarte at dating Senador Joey Lina.
Bagamat hindi siya tutol sa pagsusuot ng face mask bilang proteksyon laban sa COVID-19, dapat may kaukulang batas ang dalawang kapulungan ng kongreso na ipinasa at nilagdaan naman ng Pangulo ng bansa upang sa ganoon ay hindi malabag ang karapatan ng isang indibidwal.
Ikinatuwa naman ni Cebu Mayor Mike Rama ang naging desisyon ng pamahalaan na sundan ang kanilang naunang hakbangin na gawing voluntary o optional na lamang ang pagsusuot ng mask.
Aniya, ito ang nakita nilang solusyong maibalik ang sigla ng ekonomiya mula sa dulot ng pandemyang COVID-19.
- Latest