Gamefowl industry, naapektuhan din sa e-sabong ban
MANILA, Philippines — Apektado na rin ang mga nasa gamefowl industry sa pagpapatigil sa e-sabong ban sa bansa.
Nababahala ang mga magsasaka dahil humina ang demand ng mais dahil sa suspensyon ng e-sabong.
Isa pa sa kanilang pinoproblema ay ang posibilidad na mabulok ang mga ani kung hindi ito ipagbibili sa murang halaga.
“Pababa ‘yung presyo ng mais gawa ng kakaunti ‘yung demand. ‘Yung mga kakain sana e, nakukulangan. Para maibenta na agad at mahabol namin ‘yung presyo kasi bababa pa ‘yan”, ayon sa magsasakang si Jay-ar Dagman mula sa Echaque, Isabela
Mayo nitong taon nang ipag-utos ng dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapahinto sa mga operasyon ng e-sabong sa buong bansa.
Sa kasagsagan ng e-sabong, una nang naiulat na mayroong P650 million revenue loss kada buwan ang PAGCOR mula sa gamefowl industry.
Hindi bababa sa P1.37 bilyon ang nakolekta mula sa pitong lisensiyadong e-sabong operators mula Enero hanggang Marso 2022. Sa pagbabawal sa e-sabong, inaasahan ng PAGCOR ang P5 billion revenue loss ngayong taon.
Ang pagbabawal sa operasyon ng e-sabong ay patuloy na iniinda ng iba’t ibang negosyong konektado sa gamefowl industry. Tinatayang nasa 3.2 milyong Pilipino ang nawalan ng kabuhayan dulot nito.
Samantala, hinihintay pa ni PAGCOR Chairperson at Chief Executive Offiver (CEO) Alejandro Tengco ang ‘go signal’ ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung papayagan pang magpatuloy ang operasyon ng e-sabong sa bansa o tuluyan na itong tutuldukan.— Joy Cantos
- Latest