Pag-uusap ng Pinas at China sa transport projects sisimulan muli
MANILA, Philippines — Nagkasundo sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista at Chinese Ambassador Huang Xilian na simulang muli ang negosasyon para sa major transport projects ng Pilipinas.
Sa isang pahayag ng DOTr nitong Linggo sa kanilang Facebook account, ang kasunduan ay nabuo sa unang opisyal na pagpupulong ng dalawa sa Chinese Embassy sa Makati City noong Agosto 11, 2022.
Tinalakay umano ang pagpapatuloy ng pag-uusap para sa major China-funded railway projects gaya ng Philippine National Railways (PNR) South Long Haul Project (North-South Commuter Railway), Subic-Clark Railway at Mindanao Railway (Tagum-Davao-Digos).
Anang DOTr, ang funding support ng Chinese government para sa mga naturang proyekto ay magpapalakas sa bilateral relations at magpapahusay sa partnership ng Pilipinas at China.
Una nang sinabi ni Transportation Undersecretary for Railways Cesar Chavez na hindi inaksiyunan ng Chinese government ang kahilingan ng administrasyong Duterte para sa loan financing ng naturang tatlong major railway projects.
Dahil dito, ikinukonsidera na aniya itong ‘withdrawn’ at kailangang muling i-negotiate ng mga kasalukuyang pamahalaan.
- Latest