Mga labi ni Fidel V. Ramos, inilagak na sa Libingan ng mga Bayani
MANILA, Philippines — Inilagak na ang mga labi ni dating Pangulong Fidel V. Ramos sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City kahapon ng umaga at kabilang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga dumalo sa kanyang libing.
Si Ramos, na nagsilbing ika-12 Pangulo ng Pilipinas at nanilbihan mula 1992 hanggang 1998, ay pinagkalooban ng state funeral na may full military honors.
Bago tuluyang inihatid sa kanyang huling hantungan, isang misa ang idinaos para sa dating pangulo sa Heritage Park sa Taguig City.
Nagkaroon din ng funeral procession patungo sa presidential grave site at saka nagsagawa ng isang burial ceremony bago tuluyang inihimlay ang mga abo ng dating pangulo sa Section A ng Libingan ng mga Bayani, dakong alas-11:43 ng umaga.
Inilagak si Ramos katabi ng libingan ng dati ring pangulo ng bansa na si Elpidio Quirino.
Ang paboritong musika ni Ramos na “Alerta, Katipunan” at Maalaala Mo Kaya” ang pinatugtog habang isinasagawa ang isang burial rites para sa kanya.
Nagkaroon rin ng 21-gun salute para kay FVR na sinundan ng turnover ng Philippine flag sa pamilya Ramos.
Mismong si Pang. Marcos naman ang nag-turnover ng watawat sa biyuda ni FVR na si dating First Lady Amelita “Ming” Martinez-Ramos.
Sa isang maikling mensahe naman, nagpasalamat si Martinez-Ramos sa mga taong nakiramay at nakidalamhati sa kanila sa pagpanaw ng kanyang asawa. - Danilo Garcia, Malou Escudero
- Latest