Mga Pinoy sa New York, Washington iprinotesta rin SONA ni Marcos Jr.
MANILA, Philippines — Nagkasa ng protesta ang ilang Pinoy sa New York at Washington, DC ngayong Lunes kaugnay sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Nagtipon ang mga grupong kabilang sa Northeast Coalition to Advance Genuine Democracy, Lunes (oras sa Maynila), sa harap ng Philippine Consulate General sa New York upang iprotesta at ipinawagan ang kanilang nine-point agenda para sa Pilipinas na silang nais nilang tutukan ni Marcos Jr.
Ayon sa ulat ng GMA News, kabilang sa kanilang panawagan ang:
- pagsasa-ayos ng mga presyo
- pagbuhay sa lokal na agrikultura
- pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon
- pagtutuon ng pansin sa depensa ng bansa kasama ang pagtataguyod ng karapatang pantao
- pagpapatibay ng patakaran ng pamahalaan upang labanan ang disinformation at protektahan ang kalayaan sa pagpapahayag at pamamahayag
- pagtatatag ng isang demokratiko, ethical at accountable na pamamahala
- pagbibigay ng libreng health care at mga pangunahing serbisyong panlipunan sa publiko
- pagtataguyod ng pambansang soberanya at independent foreign policy bago ang anumang dayuhang adyenda
- pagtitiyak ng likas na yaman at yaman ng bansa
Nagmartsa ang grupo mula Dupont Circle patungong Philippine Embassy upang ipahayag ang kanilang mga panawagan.
Ayon kay Bennard Fajardo ng Migrante DC, lumalala ang estado ng ekonomiya ng bansa at nagkukulang ang suporta para sa mga migranteng manggagawa dahil sa maling mga polisiya ng labor export na silang unang itinatag daw ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.
“The Philippines’ worsening economic crisis, lack of support for migrant workers and the problematic labor export policy, first institutionalized by Marcos Sr in the 1960s," wika niya.
"It is a policy that has facilitated the forced migration of millions of Filipino people and has not done anything to truly take them out of poverty and it subjects them to abuse, trafficking, and exploitation."
Dagdag pa rito, binalaan din mga militante si Marcos Jr. na magkakasa sila ng malaking protesta sa pagdating nito sa New York sa Setyembre.
Inaasahan kasing dadalo sa Setyembre ang Pangulo sa United Nations General Assembly sa nasabing estado upang magbigay ng talumpati.
Sinasabing nasa 100 militanteng Pinoy ang dumalo sa mga pagkilos sa Washington, DC.
Ngayong Lunes, ika-25 ng Hulyo, nakatakdang ikasa ni Marcos Jr. ang kanyang unang SONA sa Batasang Pambansa, Quezon City. — Philstar.com intern Vivienne Audrey Angeles
- Latest