DILG chief sasama raw sa drug raids para tiyaking ‘ligal’ ito
MANILA, Philippines — Handa sumama sa drug raids ang bagong talagang si Interior Secretary Benhur Abalos upang mapataas ang moral ng Philippine National Police habang ipinapakita sa publikong naaayon sa batas ang kasalukuyang "war on drugs."
Ito ang sabi ng pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) matapos hamunin ng isang grupo ng mga abogado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makipagtulungan sa full investigation ng International Criminal Court patungkol sa mga extrajudicial killings at diumano'y "crimes against humanity" ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa madugong gera kontra-droga.
Ayon kay Abalos nitong Lunes, gusto niyang bigyan ng motibasyon ang mga pulis na gumagawa ng mga operasyon na ito.
“I will join some of the drug raids to give motivation to our police and to show the people that these operations are in accordance with the law,” sinabi ng kalihim sa ulat ng ONE News.
Tinitignan din ng dating MMDA chairman ang pagtatalaga sa mga kinatawan ng mga city prosecutor’s office para maging saksi sa mga magaganap na pagsalakay.
Iginiit ng kalihim na ang pagtatalaga ng mga saksi ang magiging dahilan sa hindi pagbasura ng mga kaso sa korte.
“In so doing, we were able to satisfy the requirement of having a barangay captain and a DOJ representative. Almost no case in Mandaluyong was dismissed because of technicality,” sabi ng dating mayor ng Mandaluyong.
May probisyon ang Comprehensive Dangerous Drugs Act na nagsasabing kinakailangan ng saksi mula sa media, sa Department of Justice o isang halal na opisyal na gobyerno para mangasiwa sa mga makukumpsikang mga droga.
“That’s what I intend to do. I will go to every governor and mayor and suggest that they assign a personnel just to do the job of testifying” ayon sa kalihim.
Sinabi rin ng DILG chief na ang kanyang "war on drugs" ay magiging kasing "intensive" ng inilunsad ni Digong, kung saan nagkaroon ng mahigit kumulang 6,252 na ang namamatay batay sa opisyal na datos ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Una nang sinabi ng human rights groups at preliminary investigation ni dating ICC Prosecutor Fatou Bensouda na maaaring mas mataas pa sa bilang na 12,000 hanggang 30,000 ang totoong drug-related EJKs, habang hindi raw nabibigyan ng due process ang mga suspek.
Lagpas na 'yan sa maximum seating capacity ng Smart Araneta Coliseum (20,000).
Matatandaang ipinangako ni Marcos Jr. na ituloy niya ang laban sa droga at mas bigyang pansin ang rehabilitasyon ng mga gumagamit nito.
Enero 2022 lang nang sabihin ni Bongbong noong siya'y kumakandidato pa lang na papayagan niya ang ICC team sa Pilipinas, hindi bilang probers, ngunit "bilang mga turista."
Sa kabila nito, sang-ayon si National Security Adviser Clarita Carlos na papasukin ng Pilipinas ang ICC upang maimbestigahan si Duterte para sa EJKs at human rights situation ng bansa, ito kahit na tatay ni Bise Presidente Sara Duterte ang dating pangulo.
Kamakailan lang din nang sabihin ni PNP public information office chief Brig. Gen. Roderick Augustus Alba na welcome na welcome ang nais ni Abalos lalo na't matutulungan daw nito ang momentum ng Pilipinas kontra narcotics. — Philstar.com intern Jomarc Corpuz at may mga ulat mula sa ONE News
- Latest