Sindikato sa LRA, BI at BuCor hahabulin - DOJ
MANILA, Philippines — Hahabulin at bubuwagin ni bagong Department of Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang mga sindikato na namamayagpag umano sa Land Registration Authority (LRA), Bureau of Immigration at Bureau of Corrections.
Ito ang pangako ni Remulla sa kaniyang talumpati matapos ang una niyang “flag-raising ceremony” sa DOJ sa Padre Faura sa Maynila kahapon. Sinabi niya na magiging puno ng aksyon ang kaniyang panunungkulan dahil sa paghahabol sa mga sindikatong ito.
“Unahin na natin ang LRA na kahapon, nung kine-kuwento sa’kin ng malapit na kaibigan na law practitioner, ikinuwento nya sa’kin ang aktibidad ng sindikato na naroroon na nananaig sa sistema ng LRA, sindikato na may tao sa halos lahat ng sangay ng gobyerno,” ayon kay Remulla.
Partikular din umano niyang susugpuin ang kultura ng extortion, mga sangkot sa human trafficking at mga nagbibigay ng proteksyon sa Bureau of Immigration (BI).
Sinabi niya na nagsisilbing mukha ng bansa sa mga dayuhan ang BI na siyang “frontline organization” ng mga taong pumapasok at lumalabas ng bansa. May tungkulin umano ang DOJ na protektahan ang imahe ng Pilipinas.
Sa panig ng BuCor, sinabi ni Remulla na ang hindi mapahintong aktibidad ng mga sindikato sa loob ng mga kulungan ang patuloy na sumisira sa bansa.
“Ang rule of law ang manaig sa ating bansa. Tayo po ang frontline sa lahat ng ito, at kailangan po umandar ang sistema ng hustisya na walang kinikilingan, dapat pantay-pantay,” saad pa niya.
Nananawagan naman siya sa mga inabutang opisyal at tauhan ng DOJ na makipagtulungan at ibigay ang kanilang buong makakaya para sa ikahuhusay ng kanilang serbisyo.
- Latest