4 na tripulanteng Pinoy ligtas matapos lumubog sinasakyang barko sa Pacific Ocean
MANILA, Philippines — Ligtas ang 31 katao kabilang ang apat na tripulanteng Pinoy na sakay ng isang Korean vessel na Momyo matapos lumubog sa gitna ng Karagatang Pasipiko sa pagitan ng Papua New Guinea at Solomon Island nitong Hunyo 8.
Ayon sa Pinoy survivors ng barko sa ulat ng GMA News, Miyerkules, pauwi na sila galing sa pangingisda nang salpukin ng Taiwanese vessel na Viva Fafa.
Sa video ni Mark Anthony Camense, na isa rin sa mga nakaligtas, hindi magkamayaw ang mga crew ng Taiwanese vessel sa pagsagip sa mga naipit at hindi makalabas na sakay ng lumubog na barko.
"'Yung ilalim po kasi ng barko namin, biyak na 'yun... Kaya't noong time na pinasok siya ng tubig, kung makikita niyo sa video na tumupi siya ng ganoon," ani Jovencio Mariano, isa sa mga Pinoy na nakaligtas.
"Tapos dumiretso siya pailalim kasi gawa nga ho ng impact ng tubig, pumasok sa loob."
Wika naman ni Jhocel Asturias, wala na silang nailigtas na gamit maliban sa cellphone. Nagtalunan na lang daw sila sa tubig.
Kasama nila sa insidente ang ilang Indonesian, Korean, Vietnamese nationals atbp.
Nagpapasalamat ang apat na Pinoy na walang nasawi sa kanila sa trahedyang sinapit sa karagatan. Iniimbistigahan na ang insidente sa ngayon.
Kasalukuyang nasa Taiwan ang apat na tripulanteng Pinoy upang asikasuhin ang kanilang mga papeles pauwi sa bansa. — Philstar.com intern John Vincent Pagaduan
- Latest